Calendar
Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez
Speaker Romualdez pinuri ang bagong GAMOT package ng PhilHealth para matulungan mga Pilipinong may sakit
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang nalalapit na pagpapatupad ng Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naglalayong mabawasan ang out-of-pocket na gastos ng mga Pilipinong may sakit.
Magsisimula sa Agosto 21, palalawakin ng PhilHealth GAMOT package sa 75 ang 21 gamot na libreng ibinibigay para sa iba’t ibang uri ng karamdaman gaya ng impeksyon, hika, at chronic obstructive pulmonary disease (COPD), diabetes, high cholesterol, hypertension, at iba pang sakit sa puso, gayundin sa mga karamdaman sa nervous system at iba pang supportive therapies.
Pinuri ni Speaker Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para sa kanyang hangarin at paggabay sa pag-atas sa PhilHealth na palawakin ang serbisyong pangkalusugan lampas sa inpatient benefits.
“The continued improvements to PhilHealth’s primary healthcare initiatives demonstrate the Marcos administration’s vow to make healthcare inclusive, responsive, and compassionate for all Filipinos. No one should have to fall sick or die because they were not able to get medical treatment,” aniya.
Binigyang-diin ni Romualdez na pinalawak na access sa 75 libreng gamot sa piling klinika at botika—na may taunang limitasyon na ₱20,000 kada miyembro—ay hindi lamang ginhawang pinansyal kundi mahalagang hakbang tungo sa preventive at primary care, kaysa sa magastos na tertiary treatment.
“Marami tayong mga kababayan ang nagtititiis na lang sa kanilang karamdaman at hindi nagpapatingin sa doktor—hindi lamang dahil kailangan nilang magbayad para sa consultation fee at laboratory tests, kundi dahil dagdag gastos pa ang gamot na kailangan upang sila ay gumaling,” aniya.
Binanggit din niya na hindi lamang mahihirap na Pilipino ang apektado ng problemang ito kundi pati na rin ang mga nasa middle class.
“Kahit na sa mga may trabaho, pagsubok ang pagpapagamot lalo na sa mga chronic illnesses gaya ng sakit sa puso, diabetes, atbp. Mabigat pa rin sa bulsa ang pagbili sa mga gamot dahil isinasaalang-alang din ng mga middle class earners ang ibang gastusin gaya ng upa o bayad sa bahay, pagkain, at edukasyon ng kanilang mga anak,” ani Speaker Romualdez.
Dagdag pa niya: “Sa tulong ng GAMOT package ng PhilHealth, maiibsan ang mga gastos sa pagbili ng gamot ng ating mga kababayan at magagamit nila ang perang nalikom para sa iba pang mahalagang gastusin, o hindi kaya ay maitatabi nila ito para sa kanilang kinabukasan.”
Ayon sa kanya, ang hakbang ng PhilHealth na magbigay ng dagdag na libreng gamot sa mga benepisyaryo ay makakahokayat ng mas maagang konsultasyong medikal upang maagapan ang anumang problema sa kalusugan.
“Mas maeenganyo sila na magpatingin para gumaling o ma-manage ang kanilang karamdaman. Pahahalagahan nila ang preventive at primary healthcare bago pa lumala ang kanilang mga sakit, at maiingatan ng ating pamahalaan ang yamang-kalusugan ng ating kapwa Pilipino,” dagdag pa niya.
Ang mga miyembro ng PhilHealth ay maaaring mag-avail ng libreng gamot matapos magparehistro sa PhilHealth Yaman ng Kalusugan Para Malayo sa Sakit (YAKAP) program sa pamamagitan ng eGovPH app, PhilHealth member portal, mga opisina ng PhilHealth, at iba pang opisyal na channels.
Kailangang kumuha ng reseta na may unique security code mula sa doktor na accredited sa ilalim ng GAMOT program bago makuha ang libreng gamot sa partner clinics at pharmacies.
Sa kasalukuyan, mayroong 4,300 GAMOT partner clinics sa buong bansa. Ilan sa mga unang partner facilities ang Vidacure (Muntinlupa City at Quezon City), Pharma Gen Ventures Corp. (Generika Drugstore) na may mga sangay sa Parañaque, Navotas, Quezon City, at Taguig, CGD Medical Depot Inc. sa Vertis North, at ang Chinese General Hospital.
Pinuri din ni Speaker Romualdez ang PhilHealth sa pagpapalawak ng access sa serbisyong pangkalusugan at nanawagan sa ahensya na ipagpatuloy ang mga reporma alinsunod sa mandato nito ng universal healthcare.
“As public servants, it is our sworn duty to prioritize measures to promote our countrymen’s health and well-being. As we deliberate on the proposed ₱6.793-trillion national budget for 2025, we in the House of Representatives will ensure that PhilHealth’s funds are properly spent and accounted for, always prioritizing the health and welfare of our people,” aniya.
Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program, pinaglaanan ng ₱53.261 bilyon ang PhilHealth bilang suporta sa mandato nitong magbigay ng health insurance coverage at siguraduhin ang abot-kaya, katanggap-tanggap, available at accessible na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas.
Tiniyak ni Romualdez sa mga Pilipino na magiging transparent ang mga budget deliberations upang mapangalagaan ang pondo ng bayan at hinimok ang publiko na gamitin ang mga programa ng PhilHealth gaya ng YAKAP at GAMOT.
“Walang pinipili ang sakit, mayaman man o mahirap. Ngunit sa isinusulong nating Bagong Pilipinas, lahat ng Pilipino ay maaasahan ang pamahalaan na katuwang nila lalo na sa oras ng mga pagsubok sa kanilang kalusugan. Ang paggamot sa mga karamdaman ng ating mga kababayan ay laging dapat mabilis, mabisa, abot-kaya, at may kasamang kalinga at pag-aaruga,” dagdag pa ng kinatawan ng Leyte.

