Oducado

Online Lending Companies dapat na talagang kalusin -Oducado

Mar Rodriguez Aug 17, 2025
279 Views

MULING nananawagan si 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa pamahalaan para gumawa na ito ng kaukulang aksiyon laban sa mapang-abusong pamamaraan ng mga Online Lending Companies (OLC).

Binigyang diin ni Oducado na panahon na para “kalusin” ang ginagawang pang-aabuso at harassment ng mga OLC laban sa kanilang mga kliyente na nauna nitong binatikos dahil ilan sa mga biktima nito ang dumaranas ng matinding panggigipit.

Ang ibinigay na pahayag ni Oducado ay kasunod ng privilege speech ng kapwa nito mambabatas kung saan inisa-isa nito sa kaniyang talumpati ang talamak na pang-aabuso, harassment at iba pang hindi makataong pamamaraan ng mga OLC.

Sinabi ng kongresista na ang online platform na magsisilbi sanang “financial relief” para sa mga dumudulog sa online lending ay nagmi-mistulang bangungot dahil sa halip na sila ay matulungan mas lalo pa itong nagiging matinding problema.

Ipinaliwanag ni Oducado na lalong nalulubog sa malaking pagkaka-utang ang mga taong dumudulog sa online lending sapagkat ang kanilang inutang ay pinapatungan ng malaking tubo habang hindi naman sila nilulubayan ng mga naniningil.

Inihalimbawa ni Oducado ang ilang kaso ng mga nangutang sa OLC kung saan sila ay dumaranas ng matinding pamamahiya, depression at harassment. Habang ang iba naman ay nagpapakamatay.

Dahil dito, iginiit ng neophyte Party List solon na hindi naman dapat hayaang mamayagpag ang maling pamamaraan ng mga OLC kung kaya’t panahon na para kumilos ang pamahalaan laban sa mga naturang kompanya.

“Lulong na sa sugal ang mga kliyente nila at lubog pa sa utang dahil sa kanilang masamang pamamaraan,” sabi ni Oducado.