Martin1

Inclusive at transparent na deliberasyon ng 2026 budget tiniyak ni Speaker Romualdez

271 Views

SISIMULAN na bukas (Lunes) ng Kamara de Representantes ang pagdinig kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong national budget para sa susunod na taon na isinumite ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Kongreso.

Sa unang pormal na pagpupulong, tatanggap ang House Committee on Appropriations ng briefing mula sa mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa at mga macro-economic assumptions na ginamit ng administrasyon sa pagbubuo ng panukalang budget para sa 2026, na kilala bilang National Expenditure Program (NEP).

Inaasahang sasalubungin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga miyembro ng DBCC sa pagdinig ng Kamara na pangungunahan ng chairperson ng appropriations panel na si Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.

Magsasagawa ng briefing sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan Jr., Finance Secretary Ralph Recto, at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Eli Remolona Jr.

Sa bisperas ng pagdinig, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang kanyang pangako na magiging transparent at inclusive ang mga deliberasyon sa budget, at susunod ito sa mga repormang ipinatutupad ng Kamara sa proseso ng pagpasa at implementasyon ng pambansang budget.

“We want not only to inform but to involve the public, because the national budget is the people’s money. It should benefit them all,” ani Speaker Romualdez.

“Kung ang pinag-uusapan ay ang pera ng taong bayan, dapat taong bayan din ang nakakaalam at makikinabang. Wala tayong itatago sa kanila” pahayag ni Speaker Romualdez.

Sinabi pa niya na ang NEP ay repleksiyon din ng spending priorities ni Pangulong Marcos para sa Bagong Pilipinas.

Tulad ng ibinunyag ni Speaker Romualdez, ang mga budget reform na inisyatibo ng Kamara ay ang mga sumusunod:

– Paghikayat sa civil society, people’s organizations at pribadong sektor na makilahok sa mga pagdinig sa budget. Kaugnay nito, namahagi ang lider ng Kamara ng kopya ng NEP ng Pangulo sa iba’t ibang people’s organizations.

– Tututukan ng Kamara ang mga pamumuhunan na tunay na nakakapagpabago sa buhay: agrikultura para sa food security, imprastruktura para sa konektividad at trabaho, edukasyon para sa oportunidad, kalusugan para sa lahat, at depensa at disaster preparedness para sa pambansang seguridad.

– Aalisin ng Kamara ang “small committee” na dati nitong binubuo matapos aprubahan ang budget upang tipunin ang mga institutional amendments sa NEP.

– Bubuksan ng Kamara sa publiko ang House-Senate conference na isinasagawa ng dalawang kapulungan matapos maaprubahan ang kani-kanilang bersyon ng pambansang budget.

– Palalakasin ng Kamara ang oversight function nito sa implementasyon ng budget matapos itong malagdaan bilang batas ng Pangulo. Kakailanganin dito ang maagap na ulat mula sa mga ahensya at real-time tracking ng mga pangunahing proyekto.

“Bawat pisong ginastos, dapat may katumbas na serbisyong nararamdaman ang taong bayan,” ani Speaker Romualdez.