Sandro

Kamara agarang plinantsa pag-organisa sa mga komite — Majority Leader Marcos

387 Views

Bilang paghahanda sa mabilis na pag-aksyon sa ‘Bagong Pilipinas’ legislative priorities

NATAPOS ng Kamara de Representantes sa record time na dalawang linggo, mula ng magbukas ang sesyon ng 20th Congress noong Hulyo 28 kasabay ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang pag-organisa nito.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang agarang pag-organisa ng Kamara ay nagpapakita ng determinasyon ng Kamara na agad aksyunan ang mga legislative priorities ng Pangulo para sa ‘Bagong Pilipinas.’

“As of August 6, upon the guidance of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, we are proud to report that in record time, we have filled 76 out of 80 committee chairmanships—95 percent of the total. This shows how serious we are in getting to work right away,” ani Marcos.

Batay sa mga nagdaang Kongreso, ang pag-organisa ng Kamara ay inaabot ng isang buwan o higit pa, kaya’t ang nagawa ng Mababang Kapulungan ngayong 20th Congress ay maituturing umano na isang kolektibong tagumpay.

Binigyang-diin ni Marcos na ang mabilis ng organisasyon ng 20th Congress ay magbibigay ng oportunidad sa mga mambabatas upang tugunan ang mahahalagang usaping pambansa.

“The sooner we organize, the sooner we legislate. Every day we save means more time to craft solutions, respond to challenges, and deliver results for our people,” dagdag pa ni Marcos.

Sa pagbubukas ng sesyon ay muling nahalal bilang Speaker si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang ikalawang pagkakataon na siya ay naging lider ng Kamara.

Kasama nitong nahalal sina Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez bilang Senior Deputy Speaker, mga Deputy Speaker, at si Marcos bilang Majority Leader na siya ring chairman ng Committee on Rules.

Upang makumpleto ang estruktura nito, muling nahalal din ng Kamara sina Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco at Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon “Nap” Taas, na nagpapatibay sa operasyon ng institusyon.

Mabilis na napunan ang mga pangunahing posisyon sa pamumuno, kabilang ang chairmanships ng Appropriations, Justice, Ways and Means, Agriculture, Higher and Technical Education, Foreign Affairs, Public Works, Basic Education, Energy, Transportation, Labor, at National Defense.

Na-constitute rin ang Quad Comm—binubuo ng Human Rights, Public Order and Safety, Dangerous Drugs, at Public Accounts—na siyang mangunguna sa pagganap ng oversight function ng Kamara at at magsasagawa ng imbestigasyon sa mga mahahalagang isyu.

Bukod dito, natapos din ng Kamara ang eleksyon ng 12 miyembro sa Commission on Appointments (CA) at anim na miyembro sa House of Representatives Electoral Tribunal.

Sa halos kumpletong organisasyon, nakahanda na ngayon ang Kamara na simulan ang serye ng deliberasyon sa pambansang budget at pabilisin ang pagpasa ng mga priority measure na nakaayon sa pambansang mithiin ng inclusive growth, mas matatag na institusyon, at mas mahusay na serbisyo para sa lahat ng Pilipino.