LTO

Driver ng nang-ararong tanker sa tulay lisensya suspendido

Jun I Legaspi Aug 17, 2025
341 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), ang lisensya ng drayber ng oil tanker na bumangga sa ilang sasakyan sa Pandacan, Maynila kamakailan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas na rin ng show cause order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at drayber ng oil tanker alinsunod sa utos ni Department of Transportation Secretary Dizon.

“Bahagi ng aming imbestigasyon ang pagtukoy kung roadworthy pa ang naturang trak, lalo na’t may ulat na ang aksidente ay nangyari matapos mawalan ng preno ang sasakyan,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Batay sa kumalat na video, bumabaybay sa southbound lane ng Mabini Bridge ang tanker (TPY630 ) nang bigla itong lumihis sa kanan at bumangga sa apat na sasakyan.

Isang motorcycle rider ang isinugod sa ospital matapos ang aksidente.

“Kaugnay nito, ikaw bilang rehistradong may-ari at ang drayber na sangkot sa insidente ay naatasang humarap sa Land Transportation Office-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID), East Avenue, Quezon City, sa Agosto 26 alas-10:00 ng umaga,” ayon sa SCO.

Inatasan din silang magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa paggamit ng sasakyang may depektibong piyesa at kagamitan, habang ang may-ari naman ay kailangang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa pagkuha ng isang reckless driver.

Samantala, ang drayber ay posibleng managot sa kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle—isang paglabag na may pinakamataas na parusang pagbawi ng lisensya.