Budget Ang orientation na isinagawa ni Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr., pinuno ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), ay nagbigay-kaalaman sa mga kinatawan ng CSO hinggil sa guidelines para sa kanilang partisipasyon bilang non-voting observers sa pagbabalangkas at pagsubaybay sa P6.793-trilyong 2026 national budget. Source: Press and Public Affairs Bureau, House of Representatives

Transparency, accountability sa deliberasyon ng budget tiniyak

271 Views

BINIGYAN-DIIN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ang kahalagahan ng transparency at accountability sa paggastos ng pondo ng bayan kasabay ng kanyang pagtanggap sa accredited civil society organizations (CSOs) na dumalo sa orientation tungkol sa national budget process bago simulan ang plenary deliberations.

Ang orientation na isinagawa ni Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr., pinuno ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), ay nagbigay-kaalaman sa mga kinatawan ng CSO hinggil sa guidelines para sa kanilang partisipasyon bilang non-voting observers sa pagbabalangkas at pagsubaybay sa P6.793-trilyong 2026 national budget.

“Every peso in the budget must be truly responsive to the needs of our people and our country,” ani Speaker Romualdez. “By opening the process to civil society, we are showing that nothing is hidden and that the people themselves have a voice in shaping where their taxes will go.”

Dagdag pa niya: “Bawat piso ay may dapat mapuntahan. Bawat gastusin ay kailangang may pakinabang sa tao. Ito ang tunay na diwa ng isang bukas at tapat na budget process.”

Matapos ang orientation, nagtungo ang mga kinatawan ng CSO sa plenary hall upang masaksihan ang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng deliberasyon sa pambansang budget.

Ang inisyatibang ito ay nakabatay sa landmark reform na isinulong ni Speaker Romualdez sa pamamagitan ng pag-ampon ng Kamara sa Resolution No. 94 na nag-iinstitutionalize ng partisipasyon ng mga accredited CSO sa budget process.

Noong nakaraang linggo, personal niyang iniabot sa mga kinatawan ng CSO ang kopya ng 2026 National Expenditure Program (NEP) bilang simbolo ng kanilang pagkilala bilang opisyal na kalahok sa budget deliberations ng Kamara.

Itinuring ng mga stakeholders ang hakbang na ito bilang isang “milestone for public participation” sa proseso ng lehislatura.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang dalawang reporma—ang ceremonial turnover ng NEP at ang pormal na orientation ng CSO observers—ay mahalagang bahagi ng kanyang bisyon para sa mas bukas at participatory na ika-20 Kongreso sa ilalim ng Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Sa Bagong Pilipinas, dapat maramdaman ng bawat Pilipino na kasama sila sa paggawa ng desisyon, lalo na pagdating sa paggastos ng kanilang pinaghirapang buwis,” ani Speaker Romualdez.

Kabilang sa mga accredited CSO na kalahok sa proseso ang Campaign for Tobacco-Free Kids, Center for Youth Advocacy and Networking, CODE-NGO, Commuters for Change, Health Justice, Institute for Climate and Sustainable Cities, Jesse Robredo Institute, MoveAsOne Coalition, Multiply-Ed Philippines, People’s Budget Coalition/Citizen’s Budget Tracker, Philippine Legislators’ Committee on Population and Development, REID Foundation, Safe Travel PH, Social Watch Philippines, at ang Makati Business Club.

“These reforms are about trust,” pagtatapos ni Romualdez. “A government the people can trust is a government the people can believe in—and that trust begins with a budget process that is open to all.”