CSO

Interim guidelines inilabas ng Kamara para sa civil society groups na nais sumali sa deliberasyon ng national budget

275 Views

NAGLABAS ang Kamara de Representantes ngayong Lunes ng interim guidelines upang makasali ang mga mga people’s organizations (POs) at iba pang civil society groups (CSOs) sa deliberasyon ng panukalang pambansang budget habang inihahanda pa ang permanenteng House rules o batas para rito.

“The national budget is our clearest statement of priorities. At kapag kasama natin ang mga CSOs at POs sa pagbuo nito, mas masisiguro natin na ang bawat piso mapupunta sa tunay na pangangailangan ng bansa’t mamamayan,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Dagdag pa ng mambabatas, “Sa bawat pisong ilalaan sa programa’t proyekto, may kasamang partisipasyon ng mamamayan. The national budget should truly reflect the people’s dreams and aspirations.”

Ang Memorandum Circular No. 20-002 ay nagpapatupad ng House Resolution (HR) No. 94 para sa darating na budget cycle. Sa ilalim nito, ang mga accredited groups ay maaaring mag-obserba sa committee at plenary hearings, makakuha ng mga materyales na iprinisinta sa deliberasyon, mag-submit ng written position papers sa itinakdang deadline, at ipresenta ang pinagsama-samang sektor na pananaw sa mga puntong itinalaga ng Kamara.

Upang mas maayos ang partisipasyon, bumuo ang Secretariat ng Task Force on People’s Participation, na kinabibilangan ng mga tanggapan mula sa Secretary General, Committee on Appropriations, Committee on People’s Participation, Congressional Policy and Budget Research Department, Press and Public Affairs Bureau, at Legislative Security Bureau.

Ang task force ang mangangasiwa sa accreditation, pag-circulate ng schedule at briefings, pagtulong sa mga observers sa mga proceedings, at pagpadala ng submissions sa mga miyembro at komite.

Lahat ng accredited groups ay dadaan sa orientation tungkol sa code of conduct at rules of decorum, kabilang ang tamang paggamit ng dokumento, wastong asal sa loob ng halls at galleries, at pangunahing seguridad at safety protocols.

Ayon sa memo, may simpleng proseso para ma-accredit ang mga CSOs at POs, rehistrado man o hindi, batay sa kanilang letter of intent at profile. Hanggang dalawang kinatawan kada organisasyon ang puwedeng ma-accredit. Maaari rin silang kumuha ng hearing briefs at magsumite ng position papers sa loob ng 48 oras matapos ang budget hearing para maisama sa record.

Makikita rin sa official channels ng Kamara ang livestream at archives ng budget sessions para mas maraming tao ang makapanood. Maaari ring limitahan ng task force ang personal na pagdalo sa gallery kung kailangan.

“We are working on the most open Congress in recent memory. Sisiguruhin natin na ang Kongreso ay bukas, nakikinig at handang makipag-ugnayan, para tunay na ‘Budget of the People’ ang ating maipasa dito,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Ayon kay House Secretary General Reginald ‘Reggie’ S. Velasco, ang pansamantalang panuntunan ay ipatutupad sa loob ng isang budget cycle. Pagkatapos ay susuriin ng Kamara kasama ang civil society kung paano pa mapapabuti at maisasama sa permanenteng House rules o batas ang proseso.

“The lessons learned will help us design a permanent framework for participatory budgeting, ensuring that this reform becomes a lasting feature of the House of Representatives,” sabi ni Velasco.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na layon nilang bumuo ng Kongreso na nakikinig, bukas sa lahat, at nagbibigay kapangyarihan sa mamamayan na maging bahagi ng nation-building.

“The budget is the people’s money and the people deserve a real voice in how it is spent,” ayon pa kay Romualdez.