Calendar
Sotto kinuwestiyon bilang ng miyembro ng CA
MULING umigting ang tensyon sa Senado matapos kuwestyunin ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III ang pagkalkula ng representasyon ng mga senador sa Commission on Appointments (CA).
Sa kanyang talumpati, mariing sinabi ni Sotto: “Hindi kami saling pusa lang dito.”
Binigyang-diin ni Sotto na tila binabalewala ang minorya sa kasalukuyang computation ng puwesto sa CA, kung saan umano’y ginamitan ng ‘rounding off’ batay sa 80-20 hatian para sa mayorya at minorya.
Ayon sa paliwanag ni Sen. Joel Villanueva, 80% ng 12 puwesto ay para sa mayorya (na naging 10), at 20% naman para sa minorya (na naging 2), base sa kasalukuyang komposisyon ng Senado.
Ngunit iginiit ni Sotto na hindi makatwiran ang ganitong pamamaraan: “There is no such thing as 9.6 or 2.4,” ani Sotto, sabay bigyang-linaw na ang representasyon ay dapat ibinabatay sa bilang ng miyembro ng bawat partidong politikal.
“The NPC has six members—three should sit in the CA. PDP-Laban has three—that’s 1.5.”
Sa kanyang pagtalakay, sinabi rin niyang taliwas sa nakaraang mga desisyon ng Korte Suprema at tradisyon ng Senado ang paggamit ng ganitong formula.
“Why introduce a formula even an economist would find unclear? We should follow the rule, not the whim of the numbers,” aniya.
Ipinunto ni Sotto na kung kinokonsulta ang minorya sa mga simpleng komite, ay lalo na’t nararapat silang sangguniin pagdating sa CA—isang makapangyarihang komisyon na siyang tumitiyak sa kwalipikasyon ng mga itinalaga ng Pangulo.
“If we’re consulted on simple committee assignments, why not here?,” tanong niya.
Nagbabala pa siya:“We’re trying our best to make it work. But we can make it harder if this is what you want.”
At nagwakas sa mensahe ng pakikiisa: “If it doesn’t work, then let’s work.”Kinatigan naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pananaw ng minorya, at inalala ang mga kasunduan sa mga nakalipas na Kongreso kung saan isinasama ang kalahating puwesto.
“You can’t rob us of that 0.5 right to sit in the CA,” aniya. “Whether it’s the first or second half, it’s still a seat. We share.”
Sa panig ni Villanueva, ipinaliwanag niyang sumusunod lamang sila sa prinsipyo ng proportional representation at sa mga gabay ng Korte Suprema.
“The allocation belongs to the party or coalition,” ani Villanueva, at dagdag pa niya:“I submit to the collective wisdom of the chamber.”
Dahil sa lumalalim na pagtatalo, nag-alok si Sen. Alan Peter Cayetano na mamagitan para sa isang pansamantalang solusyon. Iminungkahi niyang ipagpaliban muna ang pagtalakay sa isyu, na sinang-ayunan naman ng Senate President.
Sa pagbubukas muli ng sesyon, nagkusang-loob si Cayetano na alisin muna ang kanyang pangalan sa listahan ng mga nominado sa CA habang tinatalakay pa ang usapin.
Inaprubahan ito ng Senate President at ipinasa sa Majority at Minority Leaders, na kapwa walang naging pagtutol. Dahil dito, pinagtibay ang unang siyam na miyembro, habang nakabinbin pa ang kompletong komposisyon.
Ang mga naitalagang senador sa Commission on Appointments ay sina Sens. Ronald “Bato” dela Rosa, Jose “Jinggoy” Estrada, Christopher “Bong” Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Joseph Victor “JV” Ejercito, at Mark Villar. Bilang ika-siyam ay ang Senate President mismo, si Sen. Chiz Escudero.
Base sa inaasahan, kailangang buuin ang CA bago sumapit ang araw ng Agosto 28, 2025.

