Tulfo

Raffy Tulfo tiniyak staff na magpopositibo sa droga, sibak

289 Views

KASUNOD ng mga ulat ng umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng Senado, tiniyak ni Senador Raffy Tulfo na siya at ang buong kawani ng kanyang opisina ay sasailalim sa drug testing.

“As a matter of fact, I already told my staff, my COS, na tomorrow magpadala dito ng taga-PDEA and pwedeng mag-witness ang mga taga-media, lahat starting from me hanggang sa janitor ko magpapadrug test kami,” inilahad ni Tulfo.

Iginiit ni Tulfo na bago pa man siya mahalal, matagal na niyang isinusulong ang mandatory drug testing para sa mga nagnanais tumakbo sa gobyerno. “Even before I became senator, nilalabi ko na ‘yan. Dapat lahat ng mga magkakandidato pa lamang, sa COMELEC pa lamang, dapat magpadrug test na,” aniya.

Binigyang-diin ni Tulfo ang pagkadismaya sa mga balitang may gumagamit ng droga sa mismong institusyong gumagawa ng batas. “Parang wala namang respeto na tayo nag-iimbestiga ng mga kalokohan at katiwalaan tapos dito meron pala nag-marijuana. It’s very saddening, nakakalungkot,” ani pa niya.

Dagdag pa ni Tulfo, magiging mahigpit ang kanilang panuntunan sakaling may magpositibo: “Walang suspension, tanggal agad,” aniya.

Samantala, kinumpirma rin ni Senador Juan Miguel Zubiri na siya at 35 miyembro ng kanyang opisina ay sumailalim na sa boluntaryong drug testing na isinagawa ng Senate Medical Bureau. Saklaw ng pagsusuri ang mga substance gaya ng marijuana, shabu, cocaine, ecstasy, at opium.

“There are many people who say that someone’s doing drugs here in the Senate, so I said me and my staff should be the first to be tested for illegal drugs, so our colleagues would be encouraged,” pahayag ni Zubiri.

Kapwa senador ang nagbigay-pahintulot sa media na saksihan ang proseso, bilang bahagi ng kanilang panawagan para sa transparency. Ayon sa pinakahuling ulat, wala pang inilalabas na opisyal na kautusan si Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng pagsasagawa ng mandatory drug testing sa buong Senado.