Calendar
Hontiveros: Quiboloy dapat isuko sa US, kahit ‘short time’
DAPAT lamang aniyang isuko ng pamahalaan ang kontrobersiyal na si Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos upang doon harapin ang mga kasong kriminal, sa kabila ng mga kinahaharap din nitong kaso sa Pilipinas.
Ito ang iminungkahi ni Senadora Risa Hontiveros kung saan ay tinukoy niya ang Article 11, Paragraph 1 ng kasunduang ekstradisyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, na nagpapahintulot sa isang akusado na litisin muna sa isang bansa bago ito ibalik sa kabila upang panagutin sa iba pang mga kaso.
“Kahit may kaso siya dito, puwede pa rin siyang dalhin sa Amerika para harapin muna ang mga kaso doon, at pagkatapos ng paglilitis ay ibalik sa Pilipinas para panagutin sa mga krimen dito,” ani Hontiveros.
Giit din ni Hontiveros na tama lamang harapin nito ang kanyang mga kaso sa naturang bansa at, hindi na dapat aniyang patagalin ang paghahatid ng hustisya sa mga biktima nito sa U.S.
“Quiboloy has victims in the United States who have waited too long for justice. Hindi rin tama na patagalin pa ang kanilang laban. If we continue to delay, we are denying them their right to be heard,” dagdag ng senadora.
Ipinaalala rin ni Hontiveros ang umano’y paggamit ni Quiboloy ng kanyang “yaman at impluwensya” upang umiwas sa pananagutan, kabilang ang umano’y pananakot sa mga testigo at pagtangging humarap sa imbestigasyon ng Senado maliban sa ilalim ng kanyang sariling kundisyon.
Sa kanyang mungkahi, binigyang-diin niyang walang mawawala sa Pilipinas kung pahihintulutan ang pansamantalang extradition.
“By allowing temporary surrender, we uphold justice on both sides. Nakakasiguro ang Pilipinas na hindi mawawala ang ating mga kaso, at natutulungan din natin ang mga biktima sa Amerika,” saad niya.
Batay sa mga rekord ng korte ng Amerika, sinampahan si Quiboloy noong 2021 ng mga kasong sex trafficking laban sa mga menor de edad, sabwatan, pandaraya sa imigrasyon, at money laundering. Nasa tala rin siya ng FBI bilang isa sa mga pinaka-hinahanap na indibidwal dahil sa umano’y human trafficking at bulk cash smuggling.
Sa Pilipinas, sinabi ng mga awtoridad na nadiskubre nila ang mga underground tunnel sa kanyang compound sa Davao City sa isang raid noong 2024. Sumuko si Quiboloy sa mga awtoridad makalipas ang manhunt.
Matagal na rin siyang kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pinuno ng isang samahang panrelihiyon na may milyon-milyong tagasunod sa loob at labas ng bansa.

