Calendar
Source: Napolcom
Ex-HPG opisyal ikinanta ng 5 tauhan; tumanggap ng P7M suhol
ISANG dating hepe ng Special Operations Division/Task Force Limbas ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang inaakusahan ng pagtanggap ng ₱7 milyon bilang suhol upang protektahan ang isang negosyanteng inaresto noong Hunyo 13 dahil sa pagpapakilalang opisyal ng Malacañang at kaanak umano ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ang nasabing colonel ay tinanggal na sa kanyang puwesto bilang hepe ng SOD/Task Force Limbas at inilipat sa HPG Personnel Holding and Administrative Unit, ayon kay HPG Director Brig. Gen. William M. Segun. Hindi agad nakunan ng pahayag ang nasabing opisyal kaugna ng mga paratang na isinampa laban sa kanya ng kanyang mga dating tauhan.
Noong Biyernes, lima sa mga kasapi ng SOD-Task Force Limbas ay nagsampa ng reklamo laban kay Estolano. Inakusahan nila ito ng hindi nararapat na asal bilang pulis, at hiniling ang agarang pagtanggal niya sa serbisyo.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman Rafael Vicente R. Calinisan, sinabi ng mga operatiba na ang nasabing opisyal umano ay tumanggap ng hindi bababa sa ₱7 milyon na suhol upang protektahan ang isang arestadong akusado at manipulahin ang mga kasong kriminal na isinampa laban dito noong Hunyo 13.
Ang mga nagreklamong pulis din umano ang siyang dumakip sa akusado at sa kanyang 47-anyos na kasama matapos silang mahuli sa paggamit ng iligal na blinker sa isang sasakyan sa Parañaque City. Sa kanilang kotse, nakumpiska ang isang Glock 19 semi-automatic pistol, ilang bala, mga bulletproof vest, at isang C4 plastic explosive.
Sa isinagawang record check, napag-alaman din na ang akusado ay may kasalukuyang warrant of arrest.
Matapos ang pagsusuri ng mga tagausig, napatunayang may probable cause para kasuhan ang akusado sa ilalim ng batas sa illegal possession of firearms and explosives.
Ngunit ayon sa mga nagreklamo, sa halip na suportahan ang kaso, iniligtas ng dating HGP opisyal ang nasabing akusado mula sa pananagutan at parusahan ang mga tauhang tumangging sumunod sa kanyang utos.
Batay sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng mga pulis na ang abogado ng nasabing akusado ang umano’y tagapamagitan ng tatlong major na suhol:
₱2 milyon upang mapawalang-bisa ang unang kaso;
₱1 milyon para sa “special treatment” – kabilang ang pansamantalang paglaya ng akusado; at ₱4 milyon upang pahinain ang kasong may kaugnayan sa baril at pampasabog sa pamamagitan ng pagtatago ng ebidensiya, partikular ang C4 explosive.
Dagdag pa ng mga pulis, nagharap pa ng ganting-kaso ang dating HPG opisyal laban sa kanila matapos nilang tanggihan ang utos nito na isantabi ang mga kaso.
Nanawagan ang mga complainant ng agarang, patas, at malalim na imbestigasyon, at sinabing ang pagtanggal sa nasabing dating HPG opisyal ay mahalaga upang maibalik ang integridad at tiwala ng publiko sa PNP.
Samantala, ang akusado ay inakusahan din dati ng pagpapakilalang Undersecretary sa Office of the President.
Ang dalawang suspek ay naaresto noong Hunyo 13 — higit isang taon matapos mahuli rin ang isa sa kanila noong nakaraang taon sa kasong pangongotong ng ₱5 milyon sa isang negosyante.
Ayon kay Ambassador Markus Lacanilao, Special Envoy for Transnational Crime, ang isa sa mga suspek ay kabilang sa tatlong lalaki na inaresto ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Pasay City matapos bantaan ang isang negosyante na ipapasara ang kanyang emission testing center kung hindi magbibigay ng hinihinging halaga.
Nakapagpiyansa ang mga suspek matapos ang naturang insidente.
Noong Marso, nahuli rin sila ng mga nagrereklamong pulis dahil sa ilegal na paggamit ng blinker at protocol plate number 12.

