Napoles

May mala-‘Janet Napoles’, grupo ba sa mga multong proyekto?

Alfred Dalizon Aug 22, 2025
220 Views

SINO nga ba ang tinuturing na ‘Janet Napoles’ ng mga ‘ghost’ at kuwestiyonableng flood control projects sa bansa, na siya ngayong sentro ng galit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.?

Ito ang bilyong pisong tanong na nais malaman ng publiko sa gitna ng masusing imbestigasyon ukol sa mga proyektong ito na sinasabing nilamon ng korapsyon. Laking galit ng Pangulo sa isyung ito kaya’t umuusad na rin ang imbestigasyon sa Kongreso.

Ginugol ang bilyong pisong pondo ng gobyerno sa mga flood control project na sinasabing anomalya, at pinaniniwalaang napunta lamang sa bulsa ng ilang pribadong contractor at mga kasabwat nilang opisyal ng pamahalaan.

Ayon sa mga source ng Journal Group, dapat alamin ng pamahalaan kung iisang tao o grupo lamang ang nasa likod ng mga anomalya, na tila may pagkakahawig sa modus operandi ni Janet Lim-Napoles, na nakulong dahil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Si Napoles ay nahatulan ng plunder sa ilalim ng administrasyong Aquino at may kinakaharap pang kaso kaugnay ng maling paggamit ng Malampaya fund na para sana sa disaster response.

Nauna nang isiniwalat ni Pangulong Marcos na may 15 contractors na pawang nakakuha ng bilyong halaga ng flood control projects, dahilan upang umalingawngaw ang panawagan ng masusing imbestigasyon – kabilang na ang partisipasyon ng Philippine National Police.

Noong Miyerkules, tinukoy ni dating Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang Bulacan bilang pinaka-notorious pagdating sa mga kuwestiyonableng flood control project sa bansa.

Noong Miyerkules rin, galit na galit na si Pangulong Marcos matapos inspeksyunin ang isang proyektong tinukoy na “ghost project” sa Baliuag City na nagkakahalaga ng P55.73 milyon. Ayon sa website na sumbongsapangulo.ph, wala ni isang bakas ng proyekto doon.

“Wala kaming nakita kahit isang hollow block o piraso ng semento. Wala ring equipment. Ghost project ito. Walang trabahong ginawa rito,” ayon sa Pangulo.

“Hindi lang ako disappointed. Galit na talaga ako. Ito ang nangyayari rito,” dagdag pa niya.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng Pangulo na ang proyekto ay hindi kabilang sa listahan ng mga flood control project na isinumite ng DPWH.

“Bakit ito itinago? Wala kayong hiya,” aniya.

“Hindi natin palalagpasin ito. Lahat ng opisyal na nag-apruba at nakipagsabwatan sa proyektong ito ay masususpinde at kakasuhan sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents.”

Ayon sa Presidential Communications Office, seryoso ang Pangulo sa pagsugpo sa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa mga flood control project.

“Kahit malapit sa puso, kahit kaibigan, wala pong sisinuhin ang Pangulo – mananagot ang dapat managot,” ayon kay Usec. Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo.

Ang imbestigasyon ay pamumunuan ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) sa pamamagitan ng Regional Project Monitoring Committees (RPMC).

Ang DPWH ay magbibigay lamang ng mga rekord at impormasyon, ngunit hindi bahagi ng aktwal na imbestigasyon.

“Sila lamang po ang magpo-provide ng mga impormasyon, ng mga records. Ang mag-iimbestiga po ay RPMC sa ilalim ng DEPDev,” ani Castro.

Kasama rin sa imbestigasyon ang: Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Office of the President – Presidential Management Staff (PMS), at mga posibleng kinatawan mula sa non-government at people’s organizations.