Pagasa

Walang pasok Martes dahil sa masamang panahon — DILG

1548 Views

INANUNSYO ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang suspensyon ng trabaho at klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado, sa Martes, Agosto 26, 2025, dahil sa masamang panahon.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Metro Manila, Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte.

Batay sa ulat ng PAGASA, asahan ang 50 hanggang 100 millimeters ng ulan mula Agosto 26 hanggang kinabukasan sa mga probinsya ng Aurora, Quezon, Laguna, Rizal, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte at Southern Leyte dahil sa Low Pressure Area (LPA).

Sa Agosto 27, parehong dami ng buhos ng ulan ang inaasahan sa Aurora, Bulacan, Quezon, Nueva Ecija, Rizal, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay at Sorsogon.

Dulot naman ng Southwest Monsoon o habagat, mararanasan din ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Palawan at Antique ngayong Agosto 26. Kinabukasan, Agosto 27, madadagdagan ang Occidental Mindoro at Negros Occidental.

Sa Agosto 28, tuloy-tuloy pa rin ang malalakas na pag-ulan sa Palawan, Antique at Occidental Mindoro.

Ayon sa PAGASA, maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubunduking lugar at mas lumala pa ang epekto ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mga naunang malalakas na pag-ulan.

Pinapayuhan ang publiko at ang mga lokal na disaster risk reduction at management offices na maging alerto at magsagawa ng mga kinakailangang hakbang para maprotektahan ang buhay at ari-arian. Patuloy ding maglalabas ng mga heavy rainfall warning at iba pang abiso ang PAGASA depende sa sitwasyon.