Carnap

3 suspek sa carnap huli sa QC

392 Views

NAARESTO ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong katao na tumangay umano ng isang sasakyan sa lungsod Quezon.

Kinilala ni PLt. Col. Hector Ortencio, hepe ng DACU, ang mga naarestong suspek na sina alias “Ralph”, 25, delivery driver, residente ng Brgy. Aurora, Galas, Quezon City; alias “Mark”, 28, residente ng Pasay City; at alias “Rolando”, 44, driver at residente ng Muntinlupa City.

Ayon sa report, nangyari ang insidente alas otso ng gabi, August 22, 2025, ipinarada ng asawa ng complainant ang kanilang Mitsubishi Adventure na may plate no. ZBG192 sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Kamuning, Quezon City.

Kinaumagahan ng Agosto 23, ay natuklasang nawawala na ang nasabing sasakyan.

Nakita sa CCTV footage, ang pagnanakaw ng mga suspek na sakay ng pulang Mitsubishi Mirage na may plate no. NCJ-6833.

Agad na nagtungo ang complainant sa Kamuning Police Station upang i-report ang insidente.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng DACU na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ralph sa Brgy. Aurora, Quezon City nitong August 23.

Natagpuan din sa kaniya ang ginamit nilang get-away vehicle.

Magkasunod naman na naaresto ang dalawa pang suspek sa Cavite.

Sa pag-beripika ng pulisya sa pamamagitan ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, ay napag alaman na si Mark ay may dati ng kaso ng Robbery noong Setyembre 2023.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 10883 o The New Anti-Carnapping Law of 2016 sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga suspek.