House

Kamara pinuri survey na nagpapakita na Pinoy tutol sa mga banta sa PH

299 Views

PINURI ng mga lider ng Kamara de Representantes ang latest survey ng OCTA Research na nagpapakita na malaking bilang ng mga Pilipino ang hindi sang-ayon sa ginagawa ng China at ipinapalagay na banta sa Pilipinas.

Ang latest survey kasabay ng panawagan na mas patatagin ang pagdepensa ng bansa sa karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).

Nagpahayag ng suporta sina Deputy Speakers Paolo Ortega V ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales, kasama si House Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur.

Ipinapakita ng survey ang pangangailangan ng pagkakaisa at agarang pagkilos upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, ayon sa mga mababatas.

Batay sa pinakabagong OCTA Tugon ng Masa survey, 85 porsyento ng mga Pilipino ang nabawasan ang paggalang sa China; 74 porsyento ang nagsasabing banta ito sa Pilipinas; at 76 porsyento ang sumusuporta sa pagtindig ng bansa sa karapatang pandagat.

Kabilang sa mga dahilan ng kawalan ng tiwala ang agresibong kilos ng Beijing sa WPS, pagdagsa ng mga smuggled goods, at mga krimeng kinasasangkutan ng mga Chinese national.

“Napakalinaw ng mensahe: Atubili ang mga Pilipino sa China at nais nilang ipaglaban ng kanilang mga lider ang WPS,” sabi ni Ortega.

“History will judge us not by our words but by how we defended what is rightfully ours. We owe it to our heroes, our fishermen and our children to stand firm,” dagdag pa ng mambabatas.

Para kay Khonghun, malinaw sa survey ang pagkadismaya ng mga komunidad sa baybayin.

“Ang buong Pilipinas ay sumisigaw na ngayon ng matagal nang isinisigaw ng mga taga-Zambales: tama na, sobra na. Bawat pulgada ng ating dagat ay dapat ipagtanggol.”

Binigyang-diin ni Adiong na nagkakaisa ang mga Pilipino sa usaping ito.

“Whether Muslim or Christian, from Mindanao or Luzon, every Filipino stands behind the defense of our seas,” sabi ng Muslim na mambabatas

“This survey is proof that our people are united. That unity is our greatest strength, and it should guide every decision we make as leaders of this nation,” ayon pa kay Adiong.

Tiniyak ng mga mambabatas na tutugunan ng Kongreso ang panawagan ng taumbayan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng depensang pandagat at pagsuporta sa mga alyansang nagtatanggol sa soberanya ng bansa.

Isinagawa ng OCTA Research ang non-commissioned survey noong Hulyo 12-17, 2025 na may 1,200 respondents sa buong bansa at may margin of error na plus o minus 3 percentage points.