Isko

Yorme Isko pinakasuhan ng GM ng kumpanya sa paggiba ng istraktura sa Maynila

265 Views

PINASAMPAHAN ng kasong kriminal at sibil ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang general manager ng construction company na ilegal na gumiba sa Rizal Avenue Sports Athletics Complex (RASAC) covered court sa Sta Cruz na pag-aari ng Lungsod ng Maynila.

Tatlong tanggapan ng Manila City Hall, kabilang ang City General Services Office (CGSO), Department of Engineering and Public Works (DEPW), at Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) ang naghain ng mga kaso sa City Prosecutor’s Office laban kay Jesse R. Mahusay, general manager ng Jelsie Construction and Supply, na responsable sa paggiba sa mga istraktura ng walang kaukulang permiso batay sa umiiral na batas sa ilalim ng Local Government Code of the Philippines.

Napagalaman sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) North Manila District Engineering Office na pinondohan ng P145.5 milyon ang Phase 1 ng Sentro Komunidad de Santa Cruz, isang multi-purpose building, na nakopo ng naturang kompanya sa pamamagitan ng Notice of Award nito lang Mayo 22, 2025.

Gayunman, sa halip umano na kumuha muna ng demolition at building permit sa lokal na pamahalaan giniba kaagad ng contractor ang mga istraktura kabilang ang City Hall satellite office, police outpost, Public Recreations Bureau field office, daycare center, covered court at performance stage na sa mahabang panahon ay inookupa ng pamahalaang lungsod at ginamit pang isolation facility sa panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag ni Mayor Isko Moreno na kasong Malicious Mischief ang isinampa ng CGSO dahil sa pagsira sa mga tanggapan, unlawful demolition at konstruksiyon ang inihain ng DEPW, habang hindi awtorisadong pagkuha sa pasilidad ng gobyerno ang ihahain naman ng (MCDRRMO)

Humingi ng danyos ang lokal na pamahalaan sa kompanya na nagkakahalaga ng P10.4 milyon na halaga ng mga ginibang pasilidad sa isinampang kasong sibil.

Nilinaw naman ng alkalde na malugod naman nilang tinatanggap ang anumang proyekto at pagnenegyo sa Maynila basta’t kailangan lang na dumaan sa tamang proseso.

“We welcome development in Manila, immaterial of political color, as long as you follow simple procedure,” paglilinaw ng alkalde.

Sa ipinadala namang impormasyon ng Local Government and Regional Operations Group ng Department of Budget and Management (DBM) sa tanggapan ng alkalde na may petsang August 22, nakasaad na “For Later Release” (FLR) ang naturang proyekto na nangangahulugan na hindi pa aprobado ng Office of the President. Nina EDD REYES & JONJON C. REYES