Atienza

VM Atienza itinuloy session kahit masama ang panahon

199 Views

WALANG bagyo-bagyo sa amin.”

Ito ang pahayag ni Vice Mayor Chi Atienza makaraang pangunahan ang sesyon ng Sangguniang Panlungsod Martes ng hapon sa kabila ng suspensiyon sa trabaho sa pamahalaan bunga ng banta ng Habagat.

Kabilang sa napagtagumpayan ng Konseho ng Maynila ang pag-aproba sa 21 ordinansa at resolusyon, kabilang ang panukalang pagtatatag ng “Lusog Maynila Program” at Local Disaster Risk Reduction and Management fun investment plan, upang tustusan ang pagpigil sa matinding epekto ng mga sakuna.

Sinabi ni VM Atienza na tinalakay din sa sesyon ang resolusyong nakatuon sa pagbibigay ng direktiba sa Manila Police District (MPD) na paigtingin ang kampanya sa kaligtasan ng mga pedestrians at ang pagpapa-abot ng pasasalamat sa Estados Unidos sa pagkakaloob ng tulong sa mga biktima ng matinding pagbaha na dulot ng habagat.

“Our duty is to the people of Manila, and that responsibility doesn’t get postponed by bad weather,” pahayag ni VM Atienza.

Kabilang naman sa mga dumalo sa sesyon nina Majority Leader Raymundo Yupangco, Councilors Tol Zarcal, Joaquin Domagoso, Edward Tan, DJ Bagatsing, Kuya Ryan Ponce, Lady Quintos, Jaybee Hizon, at Tol Mac Ignacio habang ang ilan ay lumahok sa pamamagitan ng Zoom.

Sinabi ng bise alkalde na ang pagdaraos ng sesyon, sa kabila ng banta ng habagat, ay patunay na handa sila sa anumang hamon lalu na’t matatag ang kanilang dedikasyon sa pagkakaloob ng serbisyo sa Manilenos upang mapabuti pa ang komunidad. Nina EDD REYES & JONJON C. REYES