Calendar
Pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill magdudulot ng mas malaking problema — Asistio
POSIBLENG bumagal ang koleksiyon at makadagdag sa tambak na basura sa Metro Manila ang permanenteng pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill kasunod nito ang pagbabara ng mga estero, drainage at iba pang waterways na dulot ng patuloy na pagbaha.
Ito ang scenario na ibinahagi ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio na inaasahang magdudulot ng mas malaking problema para sa napakaraming residente ng National Capitol Region (NCR) ang pagsasara ng Navotas Santitary Landfill.
Sinabi ni Asistio na ang paglilipat ng mga naipong tambak na basura sa San Mateo Landfill mula sa labing-pitong Local Government Units (LGUs) ay posibleng lumikha din ng isa pang masamang implikasyon katulad ng “environmental issues” kung kaya’t kinakailangan ang agarang aksiyon para solusyunan ang patuloy na pagbaha, paglilinis ng mga estero, drainage at waterways sa Metro Manila.
“Sa gitna ng problema natin sa patuloy at palagiang pagbaha sa Metro Manila. Malilipat at maiipon ang lahat ng basura mula sa 17 LGUs sa San Mateo Landfill.
Nakakatakot isipin ang implikasyon nito at sa dami ng environmental related issues na kailangan natin at agarang aksiyunan. Ang patuloy na pagbaha, ang paglilinis ng ating mga estero, drainage at waterways,” wika ni Asistio.
Kasabay nito, isinusulong ng kongresista ang pagkakaroon ng isang komprehensibo at integrated na “Flood Management Plan” sa Metro Manila kung saan iginigiit nito na dapat ay standard na ipatutupad sa lahat ng barangay at siyudad sa Metro Manila. Kasama sa naturang Masterplan ang pag-aaral kung papaano gagawing mas epektibo ang koleksiyon at pag-proseso ng mga naghahakot ng basura.
Aminado si Asistio na hindi pang-matagalang solusyon ang mga sanitary landfill dahil naiipon, napupuno at lumalampas na sa kapasidad ang mga itinatambak na basura sa mga nasabing sanitary landfill.
Pagbibigay diin ng Metro Manila solon na ilan sa mga masamang epekto kapag masyado ng napuno ang mga dumpsite ay ang pagkalat ng mga toxins, lason sa mga lupa at likas na tubig.

