MMDA

Walang mangyayaring krisis sa basura sa Metro Manila –MMDA

Edd Reyes Aug 28, 2025
240 Views

TINIYAK ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes na walang mangyayaring krisis sa basura sa Metro Manila sa pagsasara ng Navotas Sanitary Land Fill (NSLF).

Nilinaw ito ni Atty. Artes sa kanilang inspeksiyon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa declogging operation sa kanto ng Taft Avenue at Padre Faura St. sa Ermita na bahagi ng Bayanihan sa Estero Program ng MMDA, kung saan tatlong trak ng basura ang nahakot.

Lumutang ang pangamba ng pagkakaroon ng krisis sa basura makaraang magpahayag si San Mateo Mayor Bartolome “Omie” Rivera, na wala aniyang ginawang koordinasyon sa kanila ang MMDA kaugnay sa paglipat ng tapunan ng basura ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Aminado naman si Artes na hindi kaagad nila nasabi kay Mayor Omie ang isyu bagama’t nagkausap na aniya sila ng alkalde sa telepono at nagkasundo na pupuntahan niya para sila mag-usap kaugnay sa paglilipat ng pagtatapunan ng ilang lokal na pamahalaan, kabilang ang Maynila at Caloocan, sa San Mater landfill.

Bukod kay Mayor Rivera, sinabi ni Artes na pupuntahan din niya si Rizal Provincial Governor Rebecca Ynares upang mapagusapan ang paghahati ng mapagtatapunan lalu na’t mayroon pa aniyang mas malaking ladnfill doon, ang Rizal Sanitary Landfill.

“It’s just a matter of communication dahil hindi namin nasabi agad kay Mayor Omie na me additional volume na dadalhin doon sa San Mateo, pero it is within the ECC (Environmental Compliance Certificate ) at doon sa volume ng capacity allowed under the law,” sabi ni Artes.

Sa panig ni Mayor Isko Moreno, nilinaw niya inabisuhan na talaga sila ni Chairman Artes ng maaga kaya’t noon pa man ay naghahanda na sila at nagpa-plano ng gagawin kung sakali at hindi na makaya ng San Matero landfill ang hahakutin sa kanilang basura.

“A few weeks ago naghahanap na kami ng lilipatan, hindi lang namin sasabihin sa inyo kung saan, again, this is a proof na may nahanap kaming landfill kasi wala namang choice eh, ilan kami, so ka eto yung plan B namin,” sabi ni Yorme Isko.

Sinabi naman ni Artes na naghahanap din ila ng ibang paraan lalu na’t may tatlo na aniyang nag-aaply, isa rito ay ang binisita ni Yorme, ang isa ay Public Private Partnership (PPP) na nagpanukalang mai-convert sa energy ang basura.