Torre Dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III

Torre inalok ng bagong pwesto ng Palasyo

303 Views

KINUMPIRMA ng Malacañang nitong Miyerkules na inaalok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ng bagong posisyon sa gobyerno, matapos ang biglaang pagbakante niya sa pinakamataas na puwesto sa kapulisan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi pa maibubunyag ang detalye ng naturang posisyon habang hinihintay pa ang kumpirmasyon mula kay Torre.

“Hindi pa po natin maisisiwalat ang detalye patungkol po dito pero confirmed po na may inaalok pong posisyon,” ani Castro sa isang press briefing sa Palasyo.

Ang pag-alis ni Torre sa PNP ay kaugnay ng tinawag na “irreconcilable issues” o mga hindi mapagkasunduang isyu sa pagitan niya at ng National Police Commission (Napolcom).

“Maliwanag naman po siguro ang pagkakasabi ni (Interior and Local Government) Secretary Jonvic Remulla kahapon at mayroong mga issues na hindi napagkasunduan at we just have to respect the wisdom of the President on this matter,” dagdag pa ni Castro.

Pinabulaanan din ni Castro ang mga haka-haka ng magulong paglipat ng puwesto, at iginiit na tinanggap ni Torre ang naging desisyon ng Pangulo.

“Nagkausap naman po sila at alam po natin na naiintindihan ni General Torre kung ano iyon naganap at nirirespeto rin po niya kung ano po iyong naging desisyon ng Pangulo,” sabi ni Castro.

Si Torre ay nagsimulang mamuno sa PNP noong Hunyo at pinamunuan ang ilang mga kontrobersyal na operasyon tulad ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.

Tumanggi si Castro na kumpirmahin kung ang alok na posisyon ay bahagi ng Gabinete.

“Ibibigay po ang detalye kapag po naayos na po at nabigay na po ang pagsang-ayon ni Gen. Torre,” dagdag niya. Philippine News Agency