Calendar
Iregularidad sa DPWH dapat agad aksyunan — Lacson
MARIING pinuna ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular ang mga district engineering offices, na aniya’y mistulang naging “playground for syndicates.” Iginiit ng senador na dito nag-ugat ang samu’t saring iregularidad na dapat agad aksyunan ng pamahalaan.
Ayon kay Lacson, may impormasyon siyang natanggap na ilang district engineer ang gumagamit ng lisensya ng mga kontraktor o “borrowed licenses” para lamang makakuha ng proyekto.
Bilang halimbawa, tinukoy niya ang mga flood-control projects sa Bulacan. Giit niya, kaparehong pattern din ang nakita sa San Carlos City, Negros Occidental, gayundin sa mga nauna niyang binunyag sa Pampanga, La Union, at Oriental Mindoro.
“There are so many irregularities involving the district engineering offices,” saad ni Lacson. “The DPWH has become a playground for syndicates.”
Dagdag pa rito, iginiit ni Lacson na hindi makatarungan na mas malaki ang nakalaang pondo ng DPWH kaysa sa edukasyon, bagay na taliwas sa diwa ng 1987 Constitution. Kasabay nito, kinuwestiyon niya ang pagtanggal sa 2025 subsidy ng PhilHealth na, ayon sa kanya, bunga ng pagre-realign ng pondo tungo sa mga proyektong may bahid ng katiwalian.
Sa huli, binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangang ilantad ang lahat ng amendments at realignments sa pambansang badyet upang matukoy ang mga responsable at papanagutin ang mga nasa likod ng mga proyektong posibleng peke o hindi umiiral.

