Calendar
Asistio pinapurihan naging pagkilos ng DMW para sa OFWs
PINAPURIHAN ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang Department of Migrant Workers (DMW) matapos nitong itaas ang minimum monthly wage ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na isang malaking hakbang para maibsan ang mabigat na pasanin ng mga Filipino domestic workers kasama na ang kanilang pamilya.
Ipinaliwanag ni Asistio, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na isang napakalaking tulong ang naging hakbang ng DMW dahil marami paring pamilyang Pilipino ang nagsasakripisyo bunsod ng mababang sahod habang patuloy naman ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, sinabi ng kongresista na ang pagtaas ng minimum monthly wage ay isang mahalagang hakbang upang unti-unting maibsan amg mabigat na problemang pinapasan ng mga OFWs at kanilang pamilya. Ang sahod ng mga Filipino domestic workers ay itinaas sa USD 500 mula sa dating nilang tinatanggap na USD 400.
Pagbibigay diin ni Asistio na ang bawat dolyar na idinadagdag sa sahod ng mga OFWs ay katumbas ng pagkakaroon ng mas maayos na pagkain, edukasyon at kinabukasan para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.

