Calendar
Pamilya ng nawawalang seafarer dinalaw, tinulungan ng DMW
DUMALAW ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng nawawalang seafarer sa Black Sea noong August 7 upang magbigay ng tulong at gabay kaugnay ng mga benepisyo at entitlements na maaaring matanggap ng pamilya.
Pinangunahan ni Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias ang pagbisita bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sasamahan sila ng DMW sa pagproseso ng kanilang mga benepisyo upang matiyak na tama ang computation at naaayon sa batas ang matatanggap nila.
“Tagubilin po ni Secretary Cacdac na pagdating sa mga entitlements, huwag kayong haharap na kayo lamang. Para matiyak na tama ang computation, as much as possible, sa DMW office gawin ang pag-uusap kung sa Manila.
Kung dito naman, tiyaking kasama si Director April Casabuena para matiyak na tama ang computation at kung ano ang naaayon sa batas na mapupunta sa inyo,” ani Galias.
Tiniyak din ni DMW Regional Director April Casabuena ng Region IV-A na bukas ang kanilang tanggapan para sa tulong na kakailanganin ng pamilya.
Nagbigay rin ang DMW ng paunang pinansiyal na tulong sa pamilya at nangakong susuportahan ang pag-aaral ng anak ng nawawalang tripulante hanggang sa makatapos.
Ayon sa pamilya, isa sa mga dahilan ng pagtatrabaho ng tripulante sa barko ang hangaring matiyak ang magandang kinabukasan at edukasyon ng kanyang anak.
Nagpasalamat ang asawa ng nawawalang crew sa tulong ng pamahalaan.
