OFW

12 biktima ng human trafficking ligtas na nakabalik sa Pinas mula Cambodia

Jun I Legaspi Jul 15, 2026
110 Views

OFW1LABINDALAWANG biktima ng human trafficking ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas mula Cambodia Miyerkules, Hulyo 15, 2026, sakay ng Philippine Airlines Flight PR 2622 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, Pasay City.

Kasama nila si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, na bumisita sa Cambodia upang pangunahan ang pagbubukas ng bagong Migrant Workers Office (MWO) na layong palakasin ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa doon.

Tiniyak ni Secretary Cacdac sa mga survivors na tutulungan sila ng pamahalaan upang matagumpay na makapag-reintegrate sa kanilang buhay sa Pilipinas.

“Tutulungan po namin kayo na mabigyan ng ibang options para kumita at masuportahan ang pamilya ninyo, upang hindi na ninyo kailangang bumalik sa Cambodia,” ani Secretary Cacdac.

Pagdating nila, agad silang tinulungan ng DMW Central Office at National Capital Region sa pangunguna ni Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-NCR, NAIA Task Force Against Trafficking (NAIA TFAT), at Department of Justice – Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT).

Nabigyan sila ng airport at financial assistance mula sa DMW at OWWA, pati na rin ng transportasyon at pansamantalang hotel accommodation. Bukas ay nakatakda silang mabigyan ng legal support matapos makapagpahinga bago bumalik sa kani-kanilang probinsya.

Muling pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na mag-ingat sa mga job offers na nakikita sa social media. Pinapayuhan ang mga naghahanap ng trabaho na i-verify muna ang mga overseas employment opportunities sa Department of Migrant Workers upang maiwasang mabiktima ng human trafficking. Maaari silang tumawag sa DMW hotlines: (02) 8722-1144 o (02) 8722-1155 upang i-report ang mga illegal recruiters sa Migrant Workers Protection Bureau (MWPB).

Kasama rin sa grupo ang isang inang nasa distress at ang kaniyang sanggol, na inendorso ng Philippine Embassy sa DMW para sa kaukulang tulong.