Isko

Chairman Abante suportado flood control probe proposal ni Mayor Isko

296 Views

SUPORTADO ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. ang panukala ni Mayor Isko Moreno Domagoso na imbestigahan ang P14-bilyong halaga ng flood control projects na pinondohan ng pambansang pamahalaan sa Maynila.

Iminungkahi rin ni Abante na palawakin ang imbestigasyon upang maisama ang lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila dahil nagsasagawa rin sila ng kani-kaniyang flood control projects.

Sinabi ng mambabatas ng Maynila sa isang press conference na maaaring simulan ni Moreno ang pagsisiyasat sa kanyang distrito.

“Sinusuportahan ko yung sinabi ng mayor ng Manila na papa-imbestiga nya. I support that ano…Oo kung nais nya eh unahin nya yung distrito ko just,” ani Abante.

Aniya, hindi dapat maging mahirap tukuyin kung aling flood control projects ang pinondohan at isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at alin ang mga proyekto ng LGUs.

“Kinakailangan naman madali lang iyan, I-check lang ng DPWH yan kung iyan po ay project ng national government o kaya ito ay project ng LGU. Sapagkat itong flood control project na iyan, hindi lamang ng DPWH yan eh. Even the LGU kinakailangan imbestigahan ng lahat na ito,” sabi niya.

“Ano ang ipinagawa ng city na flood control project. Ano ang ipinagawa ng DPWH. Ito po yung tinatawag natin na – I check yan sa DPWH ang status and impact ng mga project na yan sa national government, for example. Kaya I’m all for that na dapat talagang imbestigahan iyan,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Abante na ang kanyang lungsod “is actually prone to flooding yan sapagkat below sea level ang karamihan dyan, especially my district.”

“Duon din dumadaan ang main tributary ng mga ilog natin. For example in my district, dumadaan ang Pasig River, dyan nagpupunta ang San Juan River, dyan nagpupunta ang ibang maliliit na estero ano,” paliwanag niya.

Sinabi rin niya na ang iba pang lungsod gaya ng Quezon City, San Juan at Mandaluyong ay may sarili ring mga problema sa pagbaha.

“Kung magkakasundo silang lahat dyan, eh lahat yan pag-usapan po ‘yan at lahat ‘yan imbestigahan. I’m in favor of that. Pero hindi lamang sapagkat hindi kumuha ng permit o hindi nakipag-ugnay sa LGU, dapat ang talagang imbestigasyon dyan, ‘yan po ba ay ghost project, ‘yan ba ay substandard project, hindi lamang flood control – lahat ng infra project ng buong Maynila imbestigahan yan,” aniya.

Tila tumutukoy siya sa pokus ni Moreno na siyasatin ang mga proyekto ng mga mambabatas ng Maynila na umano’y isinagawa nang walang mayor’s permit o building permit.

Nauna nang sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na ang problema ng Metro Manila ay dulot ng kabiguan ng mga opisyal ng LGU na kolektahin ang 60 hanggang 70 porsiyento ng basura ng rehiyon.

Sinisi niya ang korapsyon sa naturang pagkukulang.