Calendar
Lisensya ng bus driver na bumangga sa 10 sasakyan suspendido
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na habulin ang mga pasaway na motorista, naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa pampasaherong bus na bumangga sa ilang sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Miyerkules.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinaalam ng SCO sa Mersan Snow White Transport na ang lisensya ng kanilang tsuper na sangkot sa insidente ay pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos lumabas ang balita tungkol sa pampasaherong bus na bumangga sa walong sasakyan, kabilang ang mga motorsiklo, sa northbound lane ng Commonwealth Avenue.
Nadamay at nasira ang mga sasakyan at hindi bababa sa 10 katao ang nasugatan.
Kakasuhan ang kumpanya ng bus dahil sa pagkuha ng reckless driver, habang ang tsuper naman ay kakasuhan ng reckless driving at improper person to operate a motor vehicle na may parusang kanselasyon ng lisensya.
Ayon kay Asec. Mendoza, parehong binigyan ng pagkakataon ang kumpanya at ang tsuper na magsumite ng notaryadong nakasulat na paliwanag at dumalo sa pagdinig para ipaliwanag ang kanilang panig.
“Samantala, ang bus (ALA1878) na umararo sa mga sasakyan ilalagay sa alarm status upang hindi makapag-proseso ng anumang transaksyon habang patuloy ang imbestigasyon,” nakasaad sa SCO.
Ayon kay Asec. Mendoza, inaasahang isusuko ng kumpanya ng bus ang lisensya ng kanilang tsuper bago o sa mismong araw ng pagdinig sa Setyembre 4.

