liyab

119 katao sa nasunog na barko nailigtas

Jun I Legaspi Aug 29, 2025
348 Views

NASA 119 katao ang nailigtas sa nagliyab na passenger-cargo vessel dahil sa electrical short circuit sa crew cabin sa karagatan sakop ng San Andres, Quezon noong Agosto 27.

Naglalayag ang MV Monreal (618.57 GT / 162.95 NT), na pag-aari ng Kho Shipping Lines, mula Port of Aroroy, Masbate patungong Port of San Andres, Quezon lulan ang 66 na pasahero, 22 crew members, 31 kadete at 16 na rolling cargoes nang magliyab.

Ligtas ang lahat ng sakay ng cargo vessel at naibalik ang kuryente sa tulong ng electrician na sakay ng barko.

Kumilos ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection, pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para sa search and rescue at alas-10:49 ng gabi nang ligtas na dumaong ang barko sa San Andres Port.

Kasunod nito, dinetine ng PCG ang barko, inatasan ang Master na magsumite ng Marine Protest at kinalap ang mga sinumpaang salaysay ng mga sakay.