Calendar
Dizon: DPWH iba-blacklist mga tiwaling kontratista
SINABI ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Lunes na agad kikilos ang ahensya upang i-blacklist ang mga tiwaling kontratista sa mga proyekto ng pamahalaan at pag-aralan ang posibilidad na tuluyang bawiin ang kanilang mga lisensya, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin ang mga iregularidad sa mga pampublikong proyekto.
“Apart sa blacklisting, pati iyong lisensya, puwede din po ‘yan,” sabi ni Dizon sa isang press briefing sa Malacañang nang tanungin kung kabilang sa kanyang mga unang hakbang ang permanenteng diskwalipikasyon ng mga kontratista.
Paliwanag ng bagong kalihim ng DPWH, kailangang lagpasan ang simpleng blacklisting at baguhin mismo ang mga proseso sa loob ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
“Kaya kailangan po talaga natin marepaso at ma-revamp itong PCAB. Kasi iyan po ang body na gumagawa niyan lahat,” aniya, na tumutukoy sa ahensyang nangangasiwa sa pag-akredita ng mga kontratista.
Dagdag pa niya, tatalakayin niya ang usapin kasama si Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque.
Ayon kay Dizon, may kapangyarihan ang DPWH na agad magpatupad ng blacklisting at diskwalipikasyon, ngunit ang pagbawi ng lisensya ay nangangailangan ng karagdagang hakbang.
“Mag-uumpisa po tayo sa blacklisting, disqualification, kasi ‘yan po ay pwedeng gawin ng DPWH lang,” sabi niya.
“Pero iyong pagtatanggal ng lisensiya at perpetual — since nasanay na rin naman po ako magtanggal ng mga lisensiya ng mga driver, siguro magtatanggal na rin tayo ng lisensiya ng mga kontratista,” pabirong dagdag pa ni Dizon.
Ang atas kay Dizon mula kay Pangulong Marcos ay tugma sa naunang pahayag ng Pangulo na magtatatag ng isang independent commission na mag-iimbestiga at magrerekomenda ng mga aksyon kaugnay sa mga iregularidad sa mga pampublikong proyekto, lalo na sa loob ng DPWH.

