Calendar
Gisahan nangyari sa pagbubukas ng Senate Blue Ribbon Committee
MATINDING gisahan ang nangyari sa pagbubukas ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes kung saan ay isang marathon na sesyon hinggil sa umano’y iregularidad sa mga flood-control project, kabilang ang mga “ghost project,” budget insertion, at mga kontraktor na pinaghihinalaang sangkot sa maling representasyon.
Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) dahil sa umanoy mga maling pamamalakad ng mga ito kung saan ay ibinulgar din niya na ang Pangulong Marcos Jr., mismo ay hindi kuntento sa mga ito.
“We need to overhaul PCAB. As a matter of fact gustong gusto na kayong lahat sibakin ni PBBM (President Marcos Jr.) nuong biyernes pa. At kayong lahat mula kay President Digong to the present,” ani Sotto.
Tinutukan niya ang kaso ng St. Gerard Construction na diumanoy pag aari ni Sarah Discaya, na diumanoy muling na-renew ang lisensiya kahit nasuspinde na ito noong 2015 at may diumano’y may mga backlog.
Sinagot naman ni Discaya si Sotto sa pagsabing natugunan na umano ang mga reklamong inihain sa kanila at ito ay na lift o nabigyan na rin ng katugunan..
Ipinaliwanag ni Dr. Pericles Dakay ng PCAB na may sistema sa pagberipika ng reklamo at pag ba blacklist, at may mga kasong nasampahan na, ngunit hindi awtomatikong nadidisqualify ang mga kontraktor. Lalo pang iginiit ni Sotto ang kakulangan sa diskwalipikasyon na dapat aniya ay bigyan ng solusyon sa pamamagitan ng tamang batas na dapat gawin ng Kongreso sa lalong madaling panahon.
Pinaalalahanan ni Committee Chair Sen. Rodante Marcoleta ang layunin ng pagdinig: ang paghahanap ng katotohanan. Binigyang-diin niya ang pahayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ukol sa tinatayang 60 “ghost project” sa bansa. Hinimok rin niya ang Department of Budget and Management (DBM) na isiwalat ang detalye ng mga budget insertion.
Inungkat din ni Sotto ang posibilidad ng misrepresentasyon ng ilang kumpanya tulad ng Alpha & Omega, St. Matthew, St. Timothy, at St. Gerrard na umano’y gumagamit ng iisang opisina.
Wala naman diumanong alam si PCAB Exec. Dir. Herbert Patienzo sa kasong buwis ng St. Timothy ngunit nangakong iimbestigahan ito at hahalukayin ang bagay na ito ng masinsinan.
Ibinahagi ni Discaya ang 23 taong karanasan ng kanilang pamilya sa construction, nagsimula sa LGU projects. Inamin niyang nakabili ng mga luxury car, na iniuugnay naman ng ilang senador sa laki ng kanyang operasyon sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Binanggit ni Sen. Risa Hontiveros ang mga ulat na tinagurian ang Discaya couple bilang “king and queen of flood control” na unang lumabas sa mga investigative report kung saan ay inusisa ng senadora kung nagpapahiram ang mga ito ng kanilang lisensiya.
Ipinaliwanag ni dating DPWH Sec. Manuel Bonoan na bagamat gusto niyang sumagot ay wala na siyang kapasidad matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng DPWH.
Hinimok ni Marcoleta ang mga kontraktor na magsalita na at ibalik ang pera kung may anomalya. Binalaan niya ang mga maaaring aksyon ng AMLC, PCAB, at BI, at inihalintulad ang sistema sa “puro plunder.”
Nag-eskalate ang pagdinig nang hindi sumipot sina Maria Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction at Eumir Villanueva ng Topnotch Catalyst Builders, Inc.
Ipinataw sa kanila ang contempt at inihahanda na ang arrest warrant.
Binatikos ni Sen. Erwin Tulfo ang hindi pagdalo ng mga DPWH officials at contractor-owners. “This is a full-blown hearing and yet they only sent representatives … We want the owners, the proprietors,” aniya. Kinuwestiyon din niya kung paano nakakapasok sa casino ang ilang opisyal ng DPWH.
Nagpahayag din ng pagka dismaya si Sen.Erwin Tulfo sa mga umano’y “Bidding Biddigan” na nangyayari na pag aari lamang din ng halos isang kumpanya na siyang nakakakuha ng proyekto gamit ang ibat ibang pangalan ngunit mukhang diumanoy iisa lamang ang may ari.
Tinuligsa rin ni Marcoleta ang PCAB sa pagpayag sa blacklisted firms na makabalik gamit ang ibang pangalan. Ipinunto rin niya na may tatlong taong nakalipas ngunit walang ginawa ang ahensiya.
Tinalakay rin ang MG Samidan Construction, isang sole proprietorship na may ₱250,000 paid-up capital pero nakakuha ng ₱5.022 bilyong proyekto. Tinanong ni Sen. Bato dela Rosa kung paano ito nagawa. Itinanggi ni Ginang Samidan ang pagkakasangkot sa ghost projects.
Pinaalalahanan ni Marcoleta ang limitasyon ng Category A contractors sa halagang ₱300M kada proyekto. Kung hinati ang kontrata para maiwasan ito, maituturing itong perjury.
Binanggit ni Dela Rosa ang 58 proyekto ng Samidan at kinuwestiyon kung may sapat silang engineers. Tinukoy din ang mababang ratings nila sa GPPB, gayundin ng ibang contractors.
Nagbabala ang BIR na maaaring mawalan ng clearance ang mga tax evaders at maputol ang settlement ng ongoing projects. Binanggit na may mga proyektong bayad na pero hindi itinayo. Nangako rin ang BIR na bibigyan ng kopya ang komite ng blue ribbon sa mga binabayaran ng mga kontraktor na binanggit ng Pangulong Marcos jr., upang maibangga kung sapat ang kanilang pagbabayad sa gobyerno.
Ayon naman sa mga auditor ng Commission on Audit, ang mga lapses ay dahil sa kakulangan ng disbursement vouchers at technical deficiencies.
Hinarap din ni Sen. JV Ejercito si Engr. Henry Alcantara ukol sa pagkakasangkot nito sa pagsusugal. Inamin ito ni Alcantara, at ipinaalala ni Ejercito na ito ay labag sa batas.
Muling iginiit ni Sen. Marcoleta:
“Tell the truth, the whole truth, and nothing but the truth in this proceeding.”

