Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Education Secretary Sonny Angara

DepEd-Security Bank partnership para sa pagsasanay ng mga principal pinuri ni Speaker Romualdez

320 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagtutulungan ng Department of Education (DepEd), Security Bank Foundation Inc. (SBFI) at Security Bank Corporation (SBC) upang sanayin at paunlarin ang kakayanan ng mga principal sa pampublikong paaralan na naglalayong pataasin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga punong-guro ng dagdag na kaalaman sa pamumuno at pamamahala upang maipasa nila ito sa mga guro at mas mapaunlad ang pagtuturo sa mga estudyante.

“This is a critical collaboration between government and the private sector to transform our education system. Our principals serve as frontline leaders of teachers and stewards of students, and empowering them means empowering the future of our children,” ani Romualdez.

“Napakahalaga ng ganitong pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang baguhin at paunlarin ang ating edukasyon. Kapag pinalakas natin ang kakayahan ng ating mga punong-guro, mas mapapalakas din natin ang kinabukasan ng ating mga kabataan,” dagdag pa ng mambabatas.

Pinuri rin niya si Education Secretary Sonny Angara sa pamumuno nito sa inisyatiba bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gamitin ang public-private partnership programs para maisulong ang de-kalidad na edukasyon.

“Secretary Angara’s proactive leadership in forging this partnership shows his strong commitment to the President’s vision of an education system that is modern, inclusive, and responsive to the needs of our learners,” wika pa ng lider ng Kamara.

Una ng lumagda ang DepEd ng kasunduan kasama ang SBFI at SBC upang palawakin ang principal mentoring efforts ng ahensya sa ilalim ng Mentoring Future Leaders for Nation-Building Program.

Saklaw din ng kasunduan ang suporta para sa mga proyektong pang-imprastruktura sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ngayong taon, 29 na punong-guro mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang lalahok sa tatlong taong mentoring program, katuwang ang Ateneo de Manila University, De La Salle Philippines, University of Bristol sa United Kingdom, at The HEAD Foundation ng Singapore.

Layunin ng inisyatiba na pagsamahin ang lokal na kaalaman at mga best practices mula sa ibang bansa upang mapaunlad ang kakayahan ng mga punong-guro, maisulong ang pag-unlad ng mga paaralan, at mapatatag ang ugnayan sa komunidad.

Mula 2011, nakapaglaan na ang Security Bank ng P1.9 bilyon para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang P237 milyon ngayong 2024. Sa ilalim ng flagship program na Build a School, Build a Nation, nakapagtayo ito ng 845 silid-aralan sa 145 paaralan sa 86 lungsod at munisipalidad, nakapagsanay ng higit 36,000 guro, nakapag-ayos ng 449 silid-aralan, at nakapagsanay ng mahigit 170 punong-guro sa buong bansa.

Binigyang-diin ni Angara na habang prayoridad pa rin ng administrasyong Marcos ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan, mahalaga ring mamuhunan sa pagsasanay ng mga punong-guro upang masiguro na ang mga imprastrukturang ito ay magdudulot ng mas mataas na antas ng pagkatuto ng mga estudyante.

Sang-ayon dito si Speaker Romualdez at binigyang-diin na malaking pakinabang ang makukuha ng mga punong-guro mula sa mentoring program.

“Collaborations like these are worthwhile investments to upgrade the competence of our school principals as leaders and managers, enabling them to cascade these skills to their teachers and ultimately to our learners,” ayon pa sa kongresista.

Hinimok din niya ang pribadong sektor na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapatatag ang sistema ng edukasyon ng bansa, ayon sa layunin ng Pangulo.

Tiniyak naman ni Romualdez ang buong ang suporta ng Mababang Kapulungan sa pagpapaunlad ng sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng sapat na pondo, mga prayoridad na batas, at mahigpit na pagbabantay sa kanilang pagpapatupad.

“The House is united with the President in building a Bagong Pilipinas where every Filipino learner has access to quality education. This is central to our vision of producing a generation of Filipinos who are equipped to lead, innovate, and contribute to the country’s progress,” giit ng mambabatas.

“Ang edukasyon ang susi sa isang Bagong Pilipinas. Buo ang suporta ng Mababang Kapulungan upang matiyak na bawat pamilyang Pilipino ay may pagkakataon sa magandang kinabukasan sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon,” dagdag pa Romualdez.