Calendar
Kinikilala si Dr. Jose Antonio Goitia bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyo-‘ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
Goitia: Kabataan gising na, lalaban na
PARA kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng dokumentaryong ” Food Delivery: Fresh From the West Philippine Sea” ay hindi makikita sa dami ng nanonood, kundi sa tapat at matinding emosyon ng mga nakapanood nito.
Ayon sa chairman, nakita niya ang tunay na pag-asa: gising na ang bagong henerasyon.
“Sa loob ng screening hall, mararamdam ang naghuhumiyaw sa puso ng mga nanonood ang bigat ng bawat eksena-‘mula sa panggigipit sa karagatan hanggang sa hirap na dinaranas ng mga mangingisdang Pilipino na isang buhay na patotoong katotohanan na ipinapakita sa dokumentaryo.
Nakayuko ang ilan, nanginginig ang boses ng iba, habang ang marami ay nagbulungan dahil sa pagkadismaya at galit.
At nang matapos ang panonod at bumalik na ang ilaw, sumabay ang pagbukas ng kamalayang hindi na nanatiling tahimik ang lahat. Sunod-sunod ang mga tanong, matalas, matapang, walang takot,” sabi ni Dr. Goitia.
Ipinagmalaki ni Chairman Goitia ang kanilang pagbabago.
“Kita mo sa mga mata nila. Hindi lang sila galit, handa na sila. Ayaw na nilang manatiling tahimik.
Alam nila na ang laban na ito ay hindi lang tungkol sa teritoryo, kundi tungkol sa katarungan,” dagdag ni Dr. Goitia.
Mula sa galit, sumibol ang paninindigan. Marami ang tumindig at nagsalita, ipinahayag ang kanilang tungkulin na kumilos, magpahayag ng katotohanan at lumaban sa kasinungalingan.
Wika ng isang lider-estudyante: “Hindi puwedeng umasa lang tayo sa iba para lumaban. Laban din natin ito.”
Para kay Goitia, ito ay isang makasaysayang sandali ng pagkamulat.
“Nasasaksihan natin ang pag-usbong ng bagong kabanata. Wala na ang sinasabing apatiya o kawalang interes ng mga kabataan.
Ang nakikita natin ngayon ay isang henerasyong hindi na natatakot magsalita, hindi na nagpapaloko, at handang ipagtanggol ang dangal ng bayan,” sabi niya.
Sa huli, ang dokumentaryo ay naging higit pa sa isang pelikula.
Isa itong salamin na nagpakita ng tunay na kalagayan: ang pagdurusa ng ating mga mangingisda, ang paulit-ulit na paglabag sa ating soberanya, at ang mga kasinungalingang nagpapalabo sa katotohanan.
Ngunit higit pa roon, naging hudyat ito ng nagniningas na apoy na muling nagpaalab sa puso ng kabataan.
Sa kanilang mga mata, nakita ang bagong apoy ng pagkamulat na may pag-asa, isang panibagong layunin at matinding pagkagutom para sa tunay na katarungan at hustisya.
Naisakatuparan ang block screening ng dokumentaryo sa tulong ng malawak na suporta mula sa mga makabayang organisasyon at lider tulad ni Chairman Herbert Martinez ng Blessed Movement, gayundin ng iba pang co-sponsor na nagkakaisa para sa adhikain.
Nag-iwan ni Chairman Goitia ang kanyang mga salita bilang paalala at isang matinding hamon:
“Hindi lang ito tungkol sa dagat. Ito ay tungkol sa ating pagkatao bilang Pilipino.
At ngayong gising na ang kabataan, nananawagan ako sa bawat Pilipino na bumangon kasama nila.
Gawin nating inspirasyon ang kanilang tapang upang kumilos tayo, magsalita, at ipaglaban ang nararapat na atin.
Ang laban para sa WPS ay hindi bukas magsisimula. Pananagutan natin ito ngayon. At habang dinadala ng kabataan ang apoy na ito sa kanilang mga puso, kailanman ay hindi ako mawawalan ng pag-asa na mananaig ang dangal ng ating bayan,” sabi niya.

