Leviste1

Leviste hiniling sa DPWH wag pagtakpan mga palpak na proyekto

239 Views

NANAWAGAN ang bagong halal na si Congressman Leandro Legarda Leviste sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na lubos na makipagtulungan sa imbestigasyon sa mga proyekto sa Unang Distrito ng Batangas.

Si Leviste ay nag-hire ng mga engineer at consultant gamit ang sarili niyang pera upang magsagawa ng technical audit, katuwang ang mga engineer mula sa mga apektadong local government units (LGUs).

Sa Binambang River sa Balayan, Batangas, kung saan may humigit-kumulang P1 bilyong halaga ng flood control projects, natuklasan na ang mga sheet pile ay may sukat lamang na 3.9 hanggang 5.5 metro, malayo sa kinakailangang 15 metro.

Pinalitan na ito ng DPWH at ito’y gastos ng kontratista, ngunit hindi pa nakatanggap ng paliwanag si Leviste kung bakit kulang sa sukat ang sheet piles na unang inilagay.

Sa Pansipit River sa Lemery, Batangas, kung saan may humigit-kumulang din na P1 bilyong halaga ng flood control projects, natuklasang ang sheet piles ay may sukat lamang na 6.1 hanggang 9.1 metro, imbes na 12 metro dapat.

Matapos ang audit ni Leviste, inalis ng kontratista ang sheet piles sa site. Ayon sa Lemery LGU, hindi sila naabisuhan ukol sa proyekto ng DPWH at wala rin itong building permit. Iminungkahi na ng DPWH ang pag-terminate ng kontrata para sa segment na ito, na ini-implement ng Regional Office, at ang hindi pagbabayad muna sa kontratista.

Isang bahagi naman ng Diokno Highway sa Calaca, Batangas na kamakailan lang pinalapad ay bumagsak sa kasagsagan ng Bagyong Crising. Nang humingi ng tulong si Leviste sa DPWH Regional Office, sinabi sa kanya na kailangan ng karagdagang pondo dahil ang pinsala ay dulot ng bagyo at hindi kasalanan ng kontratista. Ngunit isinasagawa na ngayon ng DPWH ang pagkukumpuni sa highway na gastos ng kontratista.

Habang isinasagawa ang mga imbestigasyon, humingi si Leviste at ang mga apektadong LGU ng ilang dokumento mula sa DPWH, ngunit hindi pa ito naibibigay.

Noong Agosto 30, inanunsyo ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang “preventive suspension sa District Engineer ng Batangas 1st District Engineering Office na nag-tangkang manuhol sa isang kongresista,” at “re-assign sa Regional Office ng mga Assistant District Engineer at lahat ng mga Section Chiefs ng Batangas 1st District Engineering Office.”

Nanawagan si Leviste kay Bonoan na tumulong sa imbestigasyon ng DPWH projects sa 1st District ng Batangas: “Beyond repairing damaged or substandard projects and re-assigning the involved personnel, I respectfully ask Secretary Bonoan to help in the investigation of the DPWH Batangas 1st District Engineering Office to prevent these issues from happening again.”

Dagdag pa ni Leviste, “We are trying our best to audit the projects of DPWH in the 1st District of Batangas, with the help of the affected LGUs. We’ve even hired engineers and consultants at my own expense. But it will be hard for us to solve the problems of the DPWH Batangas 1st District Engineering Office without the help of DPWH.”