Calendar
Lacson itinanggi mga paratang ni Marcoleta
NILINAW ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo ang paratang ni Sen. Rodante Marcoleta na umano’y pinakikialaman niya ang trabaho nito bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagsisiyasat sa gulo kaugnay ng substandard at ghost flood control projects.
Tinukoy ni Lacson ang pahayag ni Marcoleta sa kanyang palabas sa TV, kung saan ipinahiwatig ni Marcoleta na gusto ni Lacson na baguhin ang iskedyul ng pagdinig dahil ayaw umano nitong si Marcoleta ang mamuno sa hearing.
“Sa kanyang TV program pinipintasan niya kami, sabi niya pinanghihimasukan daw namin siya sa kanyang mandato. Walang nanghihimasok dito. Gusto naming lahat mapaayos ang takbo ng gobyerno,” ani Lacson sa panayam ng DZBB.
Binanggit din ni Lacson na pati sina Sen. Francis Pangilinan at Senate minority leader Vicente Sotto III ay pinuna rin ni Marcoleta dahil sa pagmungkahi ng independent body para imbestigahan ang anomalya sa flood control project.
Tinukoy ni Lacson ang programa ni Marcoleta noong Agosto 29, kung saan pinuna siya nito dahil humiling siyang i-reschedule ang nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Setyembre 1. Ito ay dahil nakatakda ring magsagawa ng pagdinig ang Senate finance committee hinggil sa 2026 budget sa parehong araw.
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Blue Ribbon Committee tungkol sa flood control project mess alas-9 ng umaga, habang ang Finance Committee ay may pagdinig alas-10 ng umaga, na sisimulan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa Proposed Fiscal Year 2026 National Expenditure Program.
Sa kanyang programa, tinanong ni Marcoleta ang pangangailangan ng rescheduling, at idinagdag pa na “talagang ayaw nila na makapagsisimula ako ng pagdinig.”
Tugon ni Lacson, hindi lang si Marcoleta ang kanyang pinakiusapan dahil parehong mahalaga ang dalawang pagdinig.
“Hindi lang siya pinakikiusapan ko. Ang manifestation ko baka pwedeng paghiwalayin ang petsa kasi parehong napakaimportante. Hindi ko naman minemenos ang kanyang Blue Ribbon Committee hearing. Nire-recognize ko ang kanyang mandato,” ani Lacson.
“Gusto ko i-correct ang misimpression na pwedeng naki-create ni Sen. Marcoleta. Ayoko ng away pero pag inaway niya kami, aawayin ko din siya,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na plano niyang dumalo sa finance committee hearing alas-10 ng umaga, ngunit maaari rin siyang dumalo sa unang bahagi ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee kung ito’y magsisimula sa takdang oras na alas-9 ng umaga.
Para sa DBCC briefing, sinabi ni Lacson na plano niyang tanungin ang mga resource persons hinggil sa limang paksa: una, paliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) tungkol sa pangungutang at paggastos ng pamahalaan; ikalawa, paliwanag kung bakit lumampas ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2025 sa pondo ng sektor ng edukasyon, na labag sa 1987 Constitution na nagtatakda na dapat pinakamalaki ang alokasyon sa edukasyon; ikatlo, paliwanag kung paano ipatutupad ng DBM ang Executive Order 82 na nagpapalakas sa Regional Development Councils, gayong tradisyunal na 20% lamang ng output ng local development councils ang naisasama sa National Expenditure Program kahit na mas alam ng mga LGU ang pangangailangan ng kanilang lugar; ikaapat, paliwanag tungkol sa polisiya ng pamahalaan hinggil sa unprogrammed appropriations, na ginamit ng mga mambabatas upang magpasok ng P1.1 bilyon sa flood control projects sa Oriental Mindoro; at ikalima, paliwanag tungkol sa mga hakbang ng DBM upang itaguyod ang transparency at maturuan ang publiko kung paano ginagastos ang kanilang buwis.

