BI

BI inilagay 35 tao sa watchlist

Jun I Legaspi Sep 4, 2025
254 Views

SINABI ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na nasa monitoring list na ang pangalan ng 35 tao na umano’y sangkot sa mga kahina-hinalang proyekto sa flood control.

Ayon kay Viado, natanggap nila noong hapon ng Setyembre 3 ang kopya ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na nag-uutos sa mga immigration officers na bantayan ang mga taong nasa listahan.

Ang kautusan ay nilagdaan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, batay sa mga kalakip na liham mula kay Sen. Rodante Marcoleta, tagapangulo ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, at kay Atty. Rodolfo Noel Quimbo, Director General ng Blue Ribbon Oversight Office Management (BROOM).

Humihiling ang mga ito ng ILBO o watch list laban sa 35 indibidwal kaugnay ng imbestigasyong isinasagawa ng Senado bilang bahagi ng paggawa ng batas sa ilalim ng temang “Philippines Underwater,” na tumatalakay sa mga ulat ng malfeasance, misfeasance, at nonfeasance sa mga flood control projects mula pa noong 2022.

Batay sa ILBO, inaatasan ang BI na bantayan ang mga nasabing indibidwal “dahil sa bigat ng mga paratang at nagpapatuloy na imbestigasyon, at sa posibilidad na tangkaing takasan ng mga ito ang legal na proseso sa pamamagitan ng pag-alis sa bansa.”

Nilinaw ni Viado na ang ILBO ay para lamang sa layuning pagmamatyag, at hindi sapat na batayan upang pigilan ang pag-alis ng isang tao sa Pilipinas.

Inaatasan ang mga immigration officers na beripikahin sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno kung may bagong kautusan laban sa mga nasabing indibidwal sakaling tangkain nilang bumiyahe.

Dapat ding mangalap ng impormasyon ukol sa kanilang paglalakbay upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Kabilang sa ILBO sina Alex at Raymond Abelido, Cezarah Discaya, Ma. Roma Discaya Rimando, Allan Quirante at 30 pang iba.