Isko

Yorme Isko sa mga nars: Habaan pasensya, lawakan pang-unawa

Edd Reyes Sep 8, 2025
322 Views

PINAYUHAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga bagong pasok na nurses na habaan ang pasensiya at lawakan ang pang-unawa sa mga pasyenteng dumaranas ng karamdaman.

Ang payo ay ginawa ng alkalde nang ipakilala niya ang mga bagong pasok na nurses sa ginanap na regular na pagpupugaw sa watawat ng Pilipinas Lunes ng umaga sa loob ng Manila City Hall.

Ayon sa alkalde, may mga reklamong lumalabas sa social media hinggil sa pagiging masungit umano ng mga nurses sa kanilang pampublikong pagamutan.

“Intelligently, hindi madali ang magtrabaho para sa tao, ibig sabihin, milyon-milyon o daan-daang libo, iba-iba isip, iba-iba damdamin iba-iba pananaw, kaya tayong mga nasa pamahalaan, dapat lalawakan natin ang ating pangunawa, tayo ang uunawa sa kanila,” sabi pa ng alkalde.

Gayunman, sinabi ni Mayor Isko na hindi naman nila hahayaang umabuso ng ganoon na lang ang mga pasyente bagama’t kung kaya naman ay habaan pa ang pasensiya sa mga taong may sakit.

“Kasi siyempre ,meron siyang nararamdamang pisikal o physical pain, so he or she cannot understand. So that’s why we, in the government, kailangan nating habaan ang ating pasensiya,” dugtong pa ng alkalde.