Fake

Gumagawa ng pekeng IDs ng PWDs, seniors arestado

Edd Reyes Sep 10, 2025
256 Views

SINALAKAY ng mga pulis ang bahay ng mag-asawa na nabuking na gumagawa ng mga pekeng ID ng senior citizens, persons with disability (PWD) at iba pang government at company IDs sa Valenzuela City.

Iniharap ng mga pulis noong Miyerkules kay Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang mag-asawang sina alyas Marlon, 44, at Liza, 40, makaraang maaresto sa bisa ng search warrant na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Elena Alcantara Amigo-Amano ng Branch 282.

Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Joseph Talento, inatasan sila ng alkalde na tugunan ang reklamo ng City Health Office hinggil sa malawakang paggamit ng mga pekeng ID ng senior citizen at PWD upang makakuha ng diskwento at iba pang benepisyo sa iba’t-ibang establisyemento na inaalok ng mag-asawa sa social media.

Sa tulong ng Northern Police District-Anti-Cybercrime Team (NDACT), nagkaroon ng pagkakataon ang pulis na nagpanggap na buyer na magpagawa ng pekeng ID sa mag-asawa na dahilan para matunton nila ang bahay ng mga ito.

Bukod sa mga pekeng senior citizen at PWD ID, nakuha rin ng kapulisan sa bahay ng mag-asawa ang mga pekeng ID na ini-issue ng lahat ng ahensiya ng pambansang pamahalaan, pribadong kompanya, law enforcement agency, at maging TODA at driver’s license.

Kinumpiska rin sa dalawa ang mga gamit nila sa paggawa ng pekeng ID, pati na ang laminating film, printer, heavy duty laminator, internet router, limang mobile phones at SSD storage.

Pinakakasuhan na ni Mayor Gatchalian ang mag-asawa ng paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.