bro marianito

Kaya mo rin bang maging mabuting samaritanyo sa iyong kapwa? (Mateo 10:25-37)

533 Views

“At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan? “Ang taong tumulong sa kaniya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya’t sinabi sa kaniya ni Hesus.” “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo”. (Lucas 10:36-37)

SA kabila ng matinding pagsubok na pinagdaanan natin nitong mga nakalipas na panahon kabilang na dito ang COVID-19 Pandemic. Marahil ay napaka-suwerte parin natin sapagkat hindi parin tayo pinababayaan ng Panginoong Diyos.

Maaari natin masabi na “well blessed” parin tayo sapagkat nakakatayo at nakakaraos pa rin tayo sa harap ng mga problemang naranasan natin.

Habang ang iba natin mga kababayan ay talagang halos pinadapa at iginupo ng dumating na Pandemiya.

Tignan natin ang ating sarili at kalagayan sa buhay. Hindi ba’t makikita natin na masuwerte parin tayo? Igala naman natin ang tingin sa ating
paligid.

Ano ang inyong makikita? Hindi ba’t may makikita tayong taong naghihikahos, nanlilimahid at dugyot ang itsura (ang iba sasabihan nila ng
eeew! yak!) na hindi kasing suwerte natin?

Sa ating tahanan, komportable tayo dahil marami tayong silid na matutulugan at maraming pagkaing nakahatag sa ating mesa.

Samantalang sa bahay ng isang taong mahirap, nagsisiksikan sa maliit na barong-barong ang apat na pamilya.

Sa bahay ng isang mahirap, nagkakasya ang apat na pamilya sa illang piraso ng “instant noodles” na pagsasaluhan nila. Kadalasan ay wala pa nga silang pagkain na pagsasaluhan sapagkat mahina ang kita ni Tatay na nagpapasada ng jeep o ni Nanay na isang labandera.

Sa bahay ng mga mayayaman ang pagkain ay halos sumosobra na kaya ang iba ay tinatapon na lamang nila. Kaya ang mga mahihirap ay nagkakalkal ng basura dahil nagbabasakali silang makakain ng pagkaing lumabis sa hapag kainan ng mga mayayaman.

Minsan hanggang awa na lang ang naibibigay natin para sa mga taong mahihirap at naghihikahos sa buhay dahil hindi naman talaga natin naipagkakaloob ang nararapat na tulong para sa kanila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga “blessings” na mayroon tayo.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 10:25-37) patungkol sa kuwento ng “Mabuting Samaritano” na hindi nangimi at nagdalawang isip na pagkalooban ng tulong ang taong biniktima ng mga tulisan na binugbog, pinagnakawan at halos patay na ng iniwan.

Paano ba tayo magiging kapwa o magiging Mabuting Samartitano para sa ibang tao na nangangailangan ng tulong katulad ng matutunghayan natin sa Pagbasa? Madali kasing sabihin na mahal natin ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas at buong pag-iisip. (Lucas 10:27)

Namumutawi sa ibang tao ang salitang “awa” ngunit parang hirap na hirap naman silang magbahagi ng kanilang mga “blessings” para sa mga kapos palad.

Mayroon bang magagawa ang awa lang para sa kanilang kalagayan at mabubusog ba sila ng awa?

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na lumapit at nagtanong kay Hesus ang isang taong dalubhasa sa kautusan kung paano siya magkakamit ng buhay na walang hanggan. (Lucas 10:25-27)

Madali din natin masasagot ang katanungang iyan kagaya din ng naging tugon ng lakake kay Hesus. Subalit anong saysay ng isang pananampataya kung wala naman itong kalakip na gawa?

“Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang taong kung sabihin man niyang siya’y pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinatutunayan sa Gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? (Santiago 2:14)

Marahil kaya nahihirapan ang ilan sa atin na patunayan ang ipinagmamalaki nilang pananampalataya sa Diyos ay dahil sa kanilang pananaw na ang kanilang“blessings” o kayamanan ay “exclusive” lang para sa kanila dahil ang katuwiran kasi nila ay: “Pinaghirapan at pinagpaguran ko ito, bakit ko ibibigay ng ganuon na lang?”

Kaya hindi nakakapagtaka kung sa mga panahong ito ay maituturing ng “endangered species” ang mga Mabubuting Samaritano” dahil sa mga taong nanghihinayang na ipamahagi ang kanilang “blessings” o biyaya na sa Panginoon naman talaga nanggaling.

Marahil ay magiging “exclusive” lamang ang ating kayamanan at ari-arian kung tayo mismo ang lumikha sa ating sarili. Ngunit batid naman natin na iniluwal tayo dito sa ibabaw ng lupa na walang tayong dala-adala kaya hindi natin maaaring solohin ang mga biyayang mayroon tayo.

Ang tanong: Paano ba tayo sumulpot dito sa ibabaw ng mundo? Sino ba ang nagbigay ng ating talino? Mayroon bang nakasulat sa batas ng tao o sa Bibliya na ang mga “blessings” o mga biyayang mayroon tayo ngayon ay hindi natin maaaring ibigay sa ating kapwa?

Kaya ang hamon sa atin ngayon ng Pagbasa ay kaya pa ba natin maging isang Mabuting Samaritano para sa ating kapwa na naghihirap parin ngayong panahon ng Pandemiya? Kaya ba natin maging “Good Samaritan” para sa mga taong nagugutom dahil nawalan ng trabaho?

AMEN