Beep

Student beep cards na may 50% discount sa mga tren tuloy na!

Jun I Legaspi Sep 13, 2025
312 Views

TULOY na tuloy na sa September 20 ang launch ng student beep cards na may automatic na 50% discount sa pamasahe sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3, kasunod ng utos ng Pangulo na gawing mas abot-kaya ang pamasahe ng mga estudyante.

Naantala ng ilang araw ang launch nito dahil sa system issues, pero sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na nagawan na ito agad ng paraan.

“Inutusan ko po ang team natin na tapusin agad ang mga problema sa system dahil alam kong matagal na itong inaabangan ng mga estudyanteng pasahero. Kung kailangang hindi matulog, hindi kami matutulog para ma-launch na natin agad ito,” ani Secretary Lopez.

Simula September 20, on-the-spot na ang printing ng student beep cards, pati na ng white beep cards para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Dahil dito, ilang minuto na lang ang hihintayin ng mga estudyante, seniors at PWDs para makuha ang kanilang white beep cards, mula sa dating 7 hanggang 10 araw.