Suspeks

PNP-AKG sinampahan ng kidnapping 11 suspek sa pandurukot ng tycoon

Alfred Dalizon Sep 15, 2025
346 Views

SINAMPAHAN ng kasong kidnapping-for-ransom with serious illegal detention ng mga miyembro ng Philippine National Police- Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang 11 suspek sa pagdukot sa 78-anyos na tycoon noong nakaraang linggo.

Ayon kay PNP-AKG spokesperson, Major Eleonor Villaruz, na-inquest na ang 11 akusado noong Sabado ng mga prosecutors ng Department of Justice.

Sinampahan ng hiwalay na demanda na paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013) ang ilan sa 11 suspek na nahuling may dalang baril noong maaresto, ayon sa spokesperson.

“As of press time, our investigators are still trying to find out who really masterminded the kidnapping,” ayon kay Maj. Villaruz.

Nauna nang nadiskubre na dating empleyado ng biktima ang 1 sa 11 suspek.

“There’s an insider. Hindi magma-materialize yung kidnapping kung hindi alam ng mga suspects ang routine ng victim,” sabi ng spokesperson.

Tinawag na ‘tolongges’ ni Department of Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla ang mga dumukot sa tycoon at pinuri si PNP chief Lt. General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa pagkakaligtas sa biktima.

Na-rescue ang biktima matapos makatanggap ng tawag mula sa 911 galing sa staff ng bangko sa Quezon City kung saan dinala ang biktima para mag-withdraw ng P8.1 million.

“Nainip na yata ‘yung mga kidnappers at pumunta diretso sa bangko… pwede nga gumawa ng sine tungkol dito—comedy of errors. In less than two minutes of the call, dumating agad ang pulis at nahuli kaagad ‘yung mga kidnappers,” sabi ni Sec. Remulla.

Unang naaresto ang tatlong suspek at sumunod ang walo dahil sa utos ni PNP-AKG chief Brigadier Gen. Glicerio C. Cansilao.

Tatlo sa mga suspek ang dating sundalo–dalawang ex-marines at isang ex-army, ayon sa report.

Dinukot ang suspek noong Sept. 2 sa C3 Road sa Quezon City paglabas ng kanyang opisina.

Ilang oras ang nakalipas, sinabi ng kapatid ng biktima sa mga pulis ng PNP-AKG na humihingi ng P150 million ransom ang mga kidnapper kapalit ng pagpapalaya sa biktima.

“Puwede ngang gumawa ng sine dahil dito. It’s safe to say that within two minutes, dumating agad ang mga anti-kidnapping operatives natin to rescue the victim and arrest the kidnappers inside that QC bank. Within the day, the majority of the suspects were captured,” sabi ng kalihim.