Calendar
Sen. Bam: Mas maraming Pinoy makikinabang sa Free Wifi Law
BINIGYANG-DIIN ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino na mas maraming karaniwang Pilipino ang makikinabang sa buong pagpapatupad ng Republic Act 10929 o Free Internet Access in Public Places Act, lalo na ang mga walang kakayahang magbayad ng koneksyon sa bahay.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Aquino na pangunahing pangangailangan na ang maaasahang internet para sa edukasyon, trabaho, at araw-araw na buhay, kaya dapat itong maging available sa mga paaralan, palengke, ospital, transport hubs, at mga tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.
“Sa pag-push natin para ma-implementa ang batas na Free WiFi, lahat ng Pilipino dapat makinabang dito. Dahil ang access sa internet ay access sa kaalaman. Access sa pag-angat ng ating buhay,” ani Aquino, na pangunahing sponsor at co-author ng RA 10929 noong 2017.
Dagdag niya, hindi lang mga estudyante at guro ang dapat makinabang kundi pati mga commuter, negosyante, at pamilya na umaasa sa matatag na koneksyon para sa impormasyon, paglago ng negosyo, at komunikasyon.
“Iyan po ang nakalagay sa ating batas, iyan po ang nasa puso ng ating batas, na marami po sa atin dito ang nagbuo rin ng batas na iyan. Nais po natin makita na implemented, maayos, at napakikinabangan ang batas natin,” sabi pa niya.
Iginiit ni Aquino ang pangangailangan ng malinaw na master plan at sapat na pondo para sa maayos na pagpapatupad, kasama ang tiyak na tungkulin at sapat na suporta sa pondo para sa mga ahensya.
“Ang unang hakbang para ma-fast track natin ito ay malaman natin kung ano ba ang mga plano, mayroon bang pondo, ano bang responsibilidad ng bawat ahensya dito sa pagpapatupad ng Free Internet Access Program in Public Places Act,” aniya.
Hinimok din niya ang mga telecommunications companies na magbigay ng diskuwento sa internet rates para sa Department of Education (DepEd) upang mabawasan ang pasaning konektibidad ng mga pampublikong paaralan.
“Iyong mga schools natin, kanya-kanya silang subscription. How about we consider coming up with a bulk deal with our telco partners?” tanong ni Aquino matapos ilahad na 2,872 lamang sa 58,121 pampublikong paaralan ang nakakonekta sa Free WiFi program at karamihan ay umaasa sa pribadong providers.
Nagpahayag ang mga kinatawan ng telco na dumalo sa pagdinig ng kahandaang magbigay ng diskuwento sa DepEd para sa koneksyon ng mga pampublikong paaralan.
Nangako naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ikokonekta bago matapos ang taon ang natitirang 11,964 pampublikong paaralan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) sa libreng internet program.

