Calendar
Gatchalian: Palakasin ang AMLC vs korapsyon
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian na bigyang-lakas ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pamamagitan ng sapat na pondo at kagamitan upang maagapan ang mga financial crime, lalo na kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa mga proyekto sa flood-control.
“Palakasin natin ang AMLC at bigyan natin sila ng mga kagamitan na magbibigay-daan upang matukoy at maagapan ang mga money-laundering schemes,” sinabi ni Gatchalian kay AMLC Executive Director Matthew David sa pagdinig sa Senado ukol sa panukalang pondo ng ahensya para sa 2026.
“Gusto naming kayo tulungan para matigil na ang mga corrupt practices,” dagdag pa ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.
Ayon kay Gatchalian, kung may sapat na kakayahan ang AMLC, maaaring na-detect na agad ang posibleng money laundering sa pamamagitan ng mga casino kaugnay ng mga iregularidad sa flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinukoy din ni Gatchalian ang kaso ni Chinese national Guo Hua Ping, na kilala rin bilang Alice Guo, na umano’y nakapagtayo ng P7-bilyong pasilidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac, dahil sa kabiguang matukoy agad ng AMLC ang mga kahina-hinalang transaksyon.
Binigyang-diin ng senador na may mandato ang AMLC na subaybayan ang humigit-kumulang 150,000 transaksyon taon-taon. Kaya’t suportado niya ang pagbabalik ng P162-milyong tinapyas sa pondo ng AMLC sa ilalim ng national expenditure program (NEP).

