Martin Kasama ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagpupulong sina (mula kaliwa) Deputy Speaker Janette Garin (Iloilo), Bataan Rep. Angela Garcia, House Deputy Minority Leader Leila de Lima (ML Party-list), Albay Rep. Cielo Krisel Lagman, Tarlac Rep. Maria Cristina Angeles, Surigao del Norte Rep. Bernadette Barbers, Pangasinan Rep. Ma. Georgina de Venecia, Cebu Rep. Patricia Calderon, Sultan Kudarat Rep. Ruth Sakaluran, Negros Oriental Reps. Ma. Isabel Sagarbarria and Janice Degamo, MALASAKIT@BAYANIHAN Party-list Rep. Girlie Veloso, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Kuha ni VER NOVENO

Romualdez tiniyak suporta sa isinusulong na adbokasiya ng lady lawmakers

215 Views

NAKIPAGPULONG ang mga kababaihang kinatawan sa Kamara kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para isulong ang kanilang adbokasiya sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at proteksyon ng kababaihan at kabataan, mga isyung sinabi nilang dapat sentro ng trabaho ng Kongreso.

Inilatag ng mga babaeng kongresista ang kanilang mga panukala—pangangalaga sa mga ina at bata, pagpapalakas ng edukasyon, at pagbubukas ng higit pang oportunidad para sa kababaihan para sa ikauunlad ng pamilya.

Malugod na tinanggap ni Speaker Romualdez ang kanilang mga mungkahi at muling tiniyak na mananatiling matatag ang pamunuan sa pagsusulong ng makabuluhang batas sa kabila ng ingay sa politika.

“These advocacies are not just women’s issues—they are national priorities. While others focus on distraction and division, the House is committed to fast-tracking laws that matter to families: protecting children, improving healthcare, strengthening education, and empowering women in livelihood and business. We will not allow political squabbles to stall our work for the people,” ani Romualdez.

Kabilang sa dumalo sa pagpupulong sina Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, Bataan Rep. Angela Garcia, House Deputy Minority Leader Leila de Lima (ML Party-list), Albay Rep. Cielo Krisel Lagman, Tarlac Rep. Maria Cristina Angeles, Surigao del Norte Rep. Bernadette Barbers, Pangasinan Rep. Ma. Georgina de Venecia, Cebu Rep. Patricia Calderon, Sultan Kudarat Rep. Ruth Sakaluran, Negros Oriental Reps. Ma. Isabel Sagarbarria at Janice Degamo, MALASAKIT@BAYANIHAN Party-list Rep. Girlie Veloso, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Ayon sa lider ng Kamara, ang integridad ng institusyon ay hindi lang nasusukat sa pagtugon sa mga alegasyon, kundi higit sa pagpapatuloy ng pagpasa ng makabuluhang batas.

Giit ng mambabatas, bawat araw na nauubos sa politika ay isang araw na nawawala para sa mga pamilyang naghihintay ng totoong solusyon.

Nagpaabot ng pasasalamat ang mga kababaihang kongresista sa pagiging bukas at sa matatag na pamumuno ng Speaker. Iginiit nila na ang kanyang pangako ay nagbibigay-inspirasyon at lakas sa kanilang adbokasiya, at tiniyak na makikipagtulungan sila upang maisulong ang mga makabuluhang panukala.

Kabilang sa mga pangunahing adbokasiyang kanilang inilatag ang:

• Pagpapalawak ng access sa healthcare para sa kababaihan at kabataan, kabilang ang maternal health at nutrition programs;
• Pagpapalakas ng proteksyon laban sa pang-aabuso, pananamantala, at trafficking ng mga bata;
• Pagsusulong ng inclusive education reforms para sa mga mag-aaral at mga komunidad na nangangailangan ng higit na suporta;
• Pagtataguyod ng kabuhayan at entrepreneurship opportunities para sa kababaihan at pamilya; at
• Pagbibigay halaga sa gender equality at representasyon ng kababaihan sa pamahalaan.

“The wisdom and leadership of our women legislators inspire balance and fairness in the work of Congress. Their voices guarantee that the concerns of mothers, daughters, workers, and families are always heard in the halls of power,” dagdag pa ni Romualdez.

Sa gitna ng mga hamon sa politika, pinatunayan nina Speaker Romualdez at ng mga kababaihang mambabatas na nananatiling buo ang pagtutok ng Kamara sa mandato nitong maghatid ng makabuluhang batas para sa bayan.