Bridge Ang gumuhong Kabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela Source: DPWH Region 2

Kawalan ng kaligtasan sa lansangan krisis na

246 Views

MARIING nanawagan si Senador Raffy Tulfo sa pamahalaan upang managot sa lumalalang krisis sa kawalan ng kaligtasan sa mga lansangan. Sa kanyang privilege speech sa Senado kamakailan, inilahad ni Tulfo ang serye ng mga insidenteng nagpapakita umano ng malawakang kapabayaan sa imprastraktura ng bansa, na aniya’y naglalagay sa buhay ng mga Pilipino sa panganib.

“These are not just numbers. These are real people dying in senseless, preventable accidents,” ani Tulfo, habang tinutukoy ang ulat mula sa Philippine National Police at Philippine Statistics Authority na nagsasaad ng 13,125 na nasawi sa mga aksidente sa kalsada noong 2023. Ayon pa sa kanya, tumaas ng 35% ang mga ganitong kaso ngayong 2024.

Bilang halimbawa, ikinuwento ni Tulfo ang insidente ng isang motorista sa San Mateo, Rizal, na nahulog sa bukas na kanal na may nakausling mga bakal at nasawi matapos tusukin ng mga ito. Isa pang trahedya ang naganap sa Palawan, kung saan isang sasakyan ang nahulog din sa isang hindi markadong kanal at humantong sa pagkasawi ng mga sakay nito.

Sa kaniyang mariing pahayag, sinabi ng senador:

“Parang mga patibong ang mga kanal natin. Lalo na sa gabi, parang multo ang mga bangin sa gitna ng kalsada. Wala kang makikitang warning sign, wala ring barrier. Talagang patay ang aabutin ng motorista. Para na silang kanal ng kamatayan.”

Ipinaliwanag niya na ang mga ganitong insidente ay sumasalamin sa kabiguan ng ilang ahensya ng pamahalaan at kontratista na tiyakin ang kaligtasan ng mga pampublikong daan bago ito buksan sa publiko. Sa halip na isolated cases lamang, iginiit niyang bahagi ito ng mas malawak na pattern ng kapabayaan.

Sa kabilang banda, binigyang-diin rin niya ang ilang malalaking proyektong may kapansin-pansing depekto. Kabilang dito ang Kabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela, na gumuho lamang makalipas ang 26 na araw mula nang buksan ito sa publiko. Isa pang tinukoy ni Tulfo ay ang ₱657-milyong underpass sa General Santos City na palaging binabaha tuwing umuulan, at tinatawag ng mga residente na parang isang “fish pond.”

Ayon pa kay Tulfo, hindi sapat ang simpleng paalala o pagkukumpuni. Aniya, kinakailangan ng agarang reporma sa mga proseso at regulasyon. Nanawagan siya ng real-time auditing sa mga proyektong pampubliko, obligadong paglalagay ng mga warning sign sa mga construction area, at mas mabigat na parusa para sa mga kontratistang nagpabaya. Ani niya, “If they can’t build safe roads, they have no business building roads at all.”

Samantala, inirefer na ng Senado ang isyung ito sa Committee on Public Services na pinamumunuan ni Tulfo, upang masusing imbestigahan at pag-aralan ang mga posibleng batas na maaaring ipasa. Binigyang-diin niya na ang kaligtasan sa kalsada ay hindi lamang teknikal na isyu kundi isang usaping makatao, na may direktang epekto sa mga pamilya at komunidad.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinabi ni Tulfo: “This is a matter of life and death. We owe it to every Filipino to make our roads safe.”