Calendar
Libanan nanalong lider ng House minority bloc sa pamamagitan ng unanimous vote
MULING nahalal bilang House minority leader si 4Ps Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan.
Nanalo si Libanan sa pamamagitan ng unanimous vote mula sa 27-miyembrong minority bloc sa isang caucus na isinagawa ilang sandali matapos mahalal si Isabela Rep. Faustino Dy III bilang bagong Speaker. Nahalal si Dy matapos magbitiw ni Leyte Rep. Martin Romualdez mula sa ika-apat na pinakamataas na halal na posisyon sa bansa.
Binubuo ang minority group ng mga miyembro ng Kamara na hindi bumoto pabor sa pagkakahalal kay Dy bilang Speaker.
Ang mga bumoto kay Libanan ay sina Arlene Bag-ao (Dinagat Islands, Lone District), Edgar Erice (Caloocan City, Second District), Cielo Krisel Lagman (Albay, First District), Jesus Suntay (Quezon City, Fourth District), Audrey Kay Zubiri (Bukidnon, Third District), Christopher Sheen Gonzales (Eastern Samar, Lone District), Stephen James Tan (Samar, First District), Reynolds Michael Tan (Samar, Second District), Niko Raul Daza (Northern Samar, First District), Leila De Lima (Mamamayang Liberal), Jose Manuel Diokno (Akbayan), Percival Cendaña (Akbayan), Dadah Kiram Ismula (Akbayan), Paolo Henry Marcoleta (Sagip), Jonathan Clement Abalos II (4Ps), Presley De Jesus (Philreca), Sergio Dagooc (Apec), Antonio Tinio (ACT-Teachers), Renee Louise Co (Kabataan), Roberto Gerard Nazal Jr. (Bagong Henerasyon), Jernie Jett Nisay (Pusong Pinoy), Allan Ty (LPGMA), Terry Ridon (Bicol Saro), Elijah San Fernando (Kamanggagawa), Arlyn Ayon (Swerte), at Iris Marie Montes (4K)
Nahahalal bilang 4Ps representative noong 2022, naging House minority leader si Libanan sa ika-19 na Kongreso, kung saan siya ay kinilala para sa kanyang prinsipyadong pamumuno, konstruktibong oposisyon, at adbokasiya ng mga makabago ngunit balanseng reporma.
Muling itinalaga siya sa parehong posisyon sa pagbubukas ng ika-20 na Kongreso noong Hulyo 28, 2025.
Isang abogado si Libanan na dati ring naging kinatawan ng nag-iisang distrito ng Eastern Samar sa loob ng tatlong sunod na termino.
Dati rin siyang naging chairperson ng House committee on justice, majority leader ng bicameral Commission on Appointments, at kalaunan ay naging Commissioner ng Bureau of Immigration sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

