Tulfo

Curlee, Alcantara, Bryce na-cite in contempt sa Senado sa Senado dahil sa magkakasalungat na pahayag

442 Views

TATLONG indibidwal ang na-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee, pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, dahil umano sa pagbibigay ng maling o magkakasalungat na testimonya sa imbestigasyon ng mga iregularidad sa flood control projects. Ayon sa mga senador, nakahadlang sa pagsisiyasat ang mga hindi tugmang pahayag.

“Pinagluluko tayo ng mga ito. You lied and lied,” pahayag ni Sen. Erwin Tulfo kay government contractor Pacifico Curlee Discaya, na umano’y nagsinungaling sa komite. Inihain niya ang contempt laban kay Discaya matapos umano ang maling dahilan na ibinigay tungkol sa hindi pagdalo ng asawa nitong si Sarah, na contractor din.

Una, sinabi ni Discaya na may sakit sa puso si Sarah. Ngunit binasa ni Lacson ang liham ni Mrs. Discaya na nagsaad na kailangan niyang makipagpulong sa mga empleyado para tugunan ang problema ng kumpanya. Humingi ng paumanhin si Discaya at nilinaw na may diabetes, hypertension, at sakit sa puso ang asawa.

Sinang-ayunan ni Sen. Raffy Tulfo ang mosyon, iginiit na sapat na batayan ang inconsistency. “Very inconsistent ‘yung pinagsasasabi nitong si Mr. Discaya. Mag-asawa sila, imposibleng di sila nag-uusap. Very clear for me pinaglololoko tayo nito,” aniya. Tinawag din ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang discrepancy na kasinungalingan, habang mariing sinabi ni Sen. Erwin Tulfo:

“Binabastos mo kami. Huwag mo kaming lokohin. Iba sinasabi mismo ng misis mo. ‘Di ba kayo nag-usap?”

Binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros na hindi dapat palampasin ang contradictions ni Discaya. “Lalo siyang nalulunod sa baha nung mali-maling sagot niya,” wika niya.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang ilang proyekto sa Quezon City, batay sa sinabi ni Mayor Joy Belmonte na sa 331 proyekto ng DPWH, dalawa lang ang inaprubahan ng Quezon City Council.

“Paano po nakakalusot ito? Kayo na nang hoholdap sa taumbayan sa Quezon City, pag napatunayan natin ito,” babala niya.

Inaprubahan ni Lacson ang contempt laban kay Discaya.

Bago ang pagdinig, binawi umano ngayong buwan ng Philippine Contractors Accreditation Board ang lisensya ng siyam na kumpanyang sinasabing pag-aari o kontrolado ng mag-asawang Discaya.

Sa pagharap sa Senado, itinanggi ni Discaya ang pagsisinungaling at sinabi nilang inilarawan nila ang kanilang sarili bilang karaniwang negosyante. “Yung Alpha lang po ang sa akin at St. Gerrard naman sa misis ko. Pag nakikita namin sa post ay sumasali lamang kami sa bidding. Yan po ang totoo na pinipilit lamang kami na bayaran ang 10 to 25 % kundi ay mate-terminate kami,” aniya.

Si dating DPWH Engineer Henry Alcantara, district engineer noon ng Bulacan 1st District, ay na-cite in contempt din umano matapos tumangging magsabi ng totoo ayon sa testimonya ng ilang contractor at engineer na nag-ugnay sa kanya sa “ghost projects.”

Nagpatotoo si Sally Santos, general manager ng Syms Construction Trading, na ginamit ang kanyang lisensya kahit walang aktuwal na trabaho, umano’y dahil sa presyon ng district engineers.

Humiling siya ng proteksiyon dahil nangangamba siya para sa kanyang buhay at seguridad.

Ayon kay Engr. Brice Hernandez, na nanumpa sa pagdinig, bahagi umano si Alcantara ng grupong naghahati ng kita sa isang ghost project: “Involved nga po si Engineer Mendoza, ako, si Boss Henry… mayroong sharing—40 percent kay Boss Henry.”

Mariing itinanggi ni Alcantara ang paratang at sinabi niyang nalaman lamang niya ang sistema mula sa isang tauhan. Aniya, “wish list” lang ang isinumite ng kanyang opisina at wala silang direktang papel sa pondo.

“Dalawang hearing na itong nagsisinungaling,” ani Sen. Erwin Tulfo. “Sa mga tao mo sa baba, lahat may kasalanan, ikaw wala? District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project?” Inihain niya ang contempt laban kay Alcantara, na inaprubahan ni Lacson.

Nagpalabas din ng subpoena ang komite kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kahit nagbitiw ito dalawang gabi na ang nakalipas.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon: “Her resignation does not, in any way, stop us from continuing our internal investigations.”

Iginiit naman ni Sen. Rodante Marcoleta na mahalaga ang papel ni Cabral at kailangan pa rin siyang humarap. “Kahit mag-resign po siya, it would not matter to us,” aniya. Inaprubahan ni Lacson ang subpoena.

Iniuugnay kay Cabral ang umano’y questionable budget insertions sa 2026 national budget.

Kinuwestiyon din ng komite ang contractor na si Mina Jose ng WJ Construction matapos isiwalat ni Hernandez sa Kamara na sangkot umano siya sa suhulan ng ilang opisyal ng gobyerno.

Umano’y bumisita si Jose sa opisina ni Sen. Erwin Tulfo noong Agosto 19 upang suriin at magbigay ng rekomendasyon para sa pagkukumpuni ng veranda ng opisina.

“Alam mo Maam. Ginamit mo kami at ang office namin para makipagkita ka lamang kay Ms. Beng Ramos (from Blue Ribbon office). kung alam ko lang na isa kayo sa may sabit, ay hindi kita kukunin para gumawa ng office ko. At para sa kaalaman ng lahat ay agad kong pina cancel ang pagpapagawa sa kanya ng sira sa aking veranda,” wika ni Tulfo.

Itinanggi ni Jose ang akusasyon at sinabi niyang matagal na silang magkaibigan ni Beng Ramos mula pa noong panahon ng yumaong Sen. Joker Arroyo, na tinukoy niyang ninong.

Mariin din niyang itinanggi ang pahayag ni Hernandez at iginiit na wala siyang kinalaman sa umano’y flood “ghost projects.”

Patuloy na sinusubaybayan sa buong bansa ang imbestigasyon ng Senado sa gitna ng mga alegasyon ng ghost projects, maling paggamit ng lisensya ng contractors, at mas malawak na pag-abuso sa pondo ng bayan para sa flood control.

Sa gitna ng contempt citations at posibleng dagdag pang testigo, nakahanda ang Blue Ribbon Committee na paigtingin pa ang pagsisiyasat sa mga susunod na pagdinig.