Dizon

DPWH kinumpirma P289B insertion hindi sa Kamara, kundi sa bicam, ginawa

385 Views

HINDI sa small committee ng Kamara de Representantes kundi sa bicameral conference committee (bicam) umano ipinasok ang P289 bilyong insertion sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang lumabas sa pagtatanong ni Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo sa hearing ng DPWH budget noong Miyerkoles.

Ayon kay Quimbo, P825 bilyon ang pondo ng DPWH inaprubahan ng Kamara o nabawasan ng P73.7 bilyon kumpara sa P898 bilyong pondo nito sa ilalim ng General Appropriations Bill (GAB).

“Kung dito pa lang binabawasan, paano ka magsisingit? Binawasan nga ng P73.7 billion ng House. So how can you have an insertion?,” ani Quimbo.

Ngunit binanggit niya na matapos ang bicam, lumobo ang budget ng DPWH sa P1.13 trilyon, o halos P289 bilyong dagdag.

Kinumpirma ng mga opisyal ng DPWH ang sinabi ni Quimbo. Sinabi nina Undersecretary Ador Canlas at Director Alex Bote na wala silang kaalaman sa mga pagbabagong nangyari matapos ang plenary deliberations sa Senado, at nadiskubre lamang nila ito nang lumabas na ang final General Appropriations Act (GAA).

“That’s on the record,” sabi ni Director Bote sa mga mambabatas.

Sinabi ni Quimbo na patunay ito na sa bicam talaga nangyayari ang mga tunay na pagbabago — at ang tinatawag na “insertions” — at hindi sa small committee ng House gaya ng madalas na sinasabi.

Iginiit din ni Quimbo ang pangangailangan ng mga reporma sa proseso ng 2026 budget at hinimok ang Department of Budget and Management (DBM) na magpatupad ng full disclosure policy:

“Let’s stop the finger-pointing and confusion. If a Congressman or Senator proposes a project, put their name on it. Like in the U.S., earmarks are transparent. Lawmakers must own and defend their insertions before the public.”

Suportado ni DPWH Secretary Vince Dizon ang panukala, at sinabing ito ay naaayon sa isinusulong ng administrasyon na mas mataas na pananagutan.

“We absolutely agree with the recommendations of [Rep. Quimbo]. Tama po iyan at tingin ko iyan din ang gusto ng ating Pangulo,” ani Dizon.

Ibinunyag ni Quimbo na P486 milyon ang inilaan para sa kanyang distrito sa ilalim ng DPWH budget, na tinaya niyang kabilang sa pinakamababang 20 porsiyento ng mga congressional districts.

Gayunman, sinabi niyang handa siyang ipagtanggol ito.

“I accept the decision. My job is to fight for Marikina and defend what we receive before my people. Every lawmaker should do the same,” aniya.