Martin1 Kuha ni TYRONE GONZALES

Resolusyon sa Kamara kinilala mapagbagong pamumuno ni ex-Speaker Romualdez

286 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang isang resolusyon na kumikilala kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte dahil sa kapuri-puri at mapagbago niyang pamumuno na nagpatingkad sa paggawa ng mga makabuluhang batas, kasunod ng kanyang boluntaryong pagbibitiw upang maging malaya ang pagiimbestiga kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Ayon sa House Resolution (HR) No. 287 sa ilalim ng mahusay at maingat na pamumuno ni Romualdez, nakamit ng Kamara ang walang kapantay na produktibidad sa lehislasyon, kung saan tinalakay nito ang 13,971 panukala, inaprubahan ang 1,597, at ginawang batas ang mahigit 350 panukala sa panahon ng 19th Congress.

Ayon sa resolusyon, ito ay nagtakda ng bagong pamantayan ng kahusayan at layunin sa kasaysayan ng lehislasyong Pilipino.

Ang resolusyon ay inihain ng bagong halal na Speaker na si Isabela Rep. Faustino “Bojie” G. Dy III, House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, House Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Speaker David “Jay-Jay” C. Suarez, Deputy Speakers Janette L. Garin, Yasser Alonto Balindong, Francisco Paolo P. Ortega V, Jefferson F. Khonghun, Kristine Singson-Meehan, Ronaldo V. Puno, Ferjenel G. Biron, Raymond Democrito C. Mendoza at Yevgeny Vincente B. Emano.

Pinuri ng mga kapwa mambabatas si Romualdez sa kakayahan nitong paglapitin ang mga magkakaibang partido at henerasyon, at sa pagtataguyod ng espiritu ng pagtutulungan na nagbigay-daan upang maging tumutugon ang Kamara sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Binigyang-diin sa resolusyon na pinalaganap ni Romualdez ang “inclusive participation among party lines and generations, thus ensuring that the legislative body remained responsive to the needs of the Filipino people.”

Ipinunto rin sa inaprubahang resolusyon na sa pamamagitan ng estratehikong pamumuno ni Romualdez, naipasa ng Kamara ang mga mahahalagang panukalang batas na itinakda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council bilang mga pangunahing prayoridad.

Kabilang dito ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, Maharlika Investment Fund Act of 2023, Trabaho Para sa Bayan Act, at Ease of Paying Taxes Act, bukod sa iba pa.

Binanggit din ang kanyang pagtutok sa pananagutan at pagsisiyasat, kabilang ang mga imbestigasyon sa agricultural smuggling, iregularidad sa singil sa kuryente at maling paggamit ng pondo ng bayan.

Sa pamamagitan ng pagtiyak na “the House exercised its oversight functions with diligence and integrity,” pinalakas ni Romualdez ang transparency at good governance.

Binigyang-diin din ng resolusyon na boluntaryong bumaba si Romualdez bilang Speaker hindi dahil sa anumang kasalanan o iregularidad kundi upang bigyang-daan ang transparency at accountability, at hayaang maresolba ang mga katanungan kaugnay ng mga proyekto ng pamahalaan nang walang pressure, impluwensya o takot.

Ayon pa rito, ito ay “a conscious act to preserve the trust of the people and to strengthen democratic institutions.”

Itinampok din ng mga mambabatas ang tagumpay ni Romualdez sa parliamentary diplomacy, kabilang ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga lider ng U.S. Congress bilang suporta sa opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington, na nagbukas ng mga oportunidad para sa mas malawak na kooperasyon at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Kinilala rin sa resolusyon na ang panunungkulan ni Romualdez ay “consistently earned high public trust ratings and commendations from his peers,” at maaalala bilang “a period of decisive action, transformative legislation, and unwavering commitment to national progress.”

Inilarawan siya bilang “architect of consensus,” at pinuri ang kanyang pamumuno na “anchored in strategic foresight, inclusive governance and constructive dialogue – uniting lawmakers across party lines and fostering a collaborative environment that enabled the enactment of transformative legislation and the conduct of robust parliamentary oversight.”

Dagdag pa rito, ang kanyang makabuluhan at action-oriented na pamumuno ay nagpataas sa performance ng Kamara at nagpatatay sa demokratikong pamamahala at pag-unlad ng bansa.

Sinabi ng mga sumuportang miyembro na pinatatag ng uri ng pamumuno ng Speaker ang institusyon ng Kamara, na nagpapatunay na ang isang lehislatura na nakaangkla sa kooperasyon at prinsipyo ay makapagbibigay ng kongkretong benepisyo para sa mga pamilyang Pilipino sa larangan ng ekonomiya, edukasyon, at kalusugan.

Sa pagpapatibay ng resolusyon, kinilala ng Kamara si Romualdez sa kanyang natatangi at transformative leadership nito at ang kanyang makabuluhang kontribusyon sa pagtaguyod ng legislative excellence, national unity, at serbisyo publiko.