Calendar
PBBM tiniyak patuloy na suporta ng gobyerno sa mga niktima ng sunog sa Tondo
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Huwebes sa mga pamilyang apektado ng malawakang sunog sa Happyland, Barangay 105, Tondo, Manila, na patuloy na susuportahan sila ng gobyerno hanggang sa makabangon at maging normal muli ang kanilang buhay.
Sa kanyang pagbisita, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa dalawang pansamantalang silungan sa Tondo.
“Kahit na ganito ang nangyari, asahan po ninyo ang gobyerno ninyo ay nandito, binabantayan kayo, inaalalayan kayo, at titiyakin namin na maaalagaan namin kayo sa lahat ng inyong pangangailangan,” mensahe ng Pangulo sa mga evacuee sa Gen. Vicente Lim Elementary School.
“Kaunting tiyaga lang po, gagawin po namin ang lahat para makabalik na kayo sa normal na ninyong buhay,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, nang malaman niya ang tungkol sa malaking sunog noong Sabado, iniutos niya kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad magpadala ng mga relief goods at tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan.
Sinabi rin ng Pangulo na magpapadala ng mga medical team, kabilang ang mga doktor at nars, upang maiwasan ang paglaganap ng mga sakit sa mga evacuee dulot ng siksikan.
Kapag pinayagan na ng mga awtoridad na makabalik ang mga evacuee sa kanilang mga tahanan, sinabi ng Pangulo na maghahanap ang gobyerno ng mga paraan upang matulungan sa rehabilitasyon at pagtatayo ng mga bahay ng mga apektadong residente.
“Pagka puwede na kayong bumalik sa inyong mga tahanan, ay ang gagawin po natin ay titingnan po natin kung paano makatulong ang pamahalaan para sa pagpatayo ulit ng bahay o pag-rehabilitasyon ng bahay,” ani ng Pangulo.
Bago makipagkita sa mga biktima ng sunog sa Gen. Vicente Lim Elementary School, nakipag-ugnayan si Pangulong Marcos sa mga evacuee sa Antonio Villegas Vocational High School, na matatagpuan din sa Tondo.
Ang ibang mga pamilyang apektado ng sunog ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court sa Barangay 105.
Namahagi ang DSWD ng mga gamit na tulong sa mga evacuee, kabilang na ang 2,235 family food packs, 2,235 hygiene kits, at 2,235 sleeping kits. Bukod dito, naghanda rin ang DSWD ng 2,000 mainit na pagkain gamit ang kanilang mobile kitchen.
Nagbigay din ang ahensya ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng emergency cash transfer (ECT) program, kung saan ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P15,109 para sa isang panahon ng 29 araw.
Ang sunog sa Happyland ay sumik noong Sabado ng gabi, Setyembre 13, at mabilis na kumalat sa matinding siksikang lugar. PCO

