Leviste

10% tapyas sa presyo ng DPWH projects na mungkahi ni Leviste sang-ayon sa Dizon

281 Views

SINANG-AYUNAN ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang panukala ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na magpatupad ng hindi bababa sa 10% na bawas sa unit costs ng mga overpriced na proyekto ng DPWH.

“Noong panahon ni DPWH Secretary Rogelio Singson, pinilit niyang ibaba ng hindi bababa sa 10% ang Detailed Unit Price Analysis (DUPA), at sinabi po ni Secretary Singson na kaya pa raw itong ibaba ng 15 hanggang 20%. Maari ko po bang itanong, Mr. Chair, ang inyong opinyon tungkol sa pagbabawas ng DUPA upang makapagpondo tayo ng mas maraming proyekto gamit ang parehong budget?,” tanong ni Leviste sa DPWH 2026 budget hearing noong Miyerkules.

“Oo, sa katunayan, nag-usap po kami ni former Secretary Singson, at sang-ayon po ako sa kanya at isa po iyon sa mga plano nating gawin sa mga susunod na linggo at buwan na maghanap ng paraan upang ibaba ang DUPA sa buong bansa. Kailangan po nating i-review ito ng mabuti upang matiyak na magiging mas epektibo tayo sa paggamit ng budget. Sang-ayon po ako na hindi bababa sa 10% ang kaya nating ibaba sa buong bansa,” sagot ni Dizon.

Binigyang-diin ni Leviste na ang pagbaba ng DUPA ay maaaring magdulot ng malaking ipon: “Kung mayroong hindi bababa sa 10% na ipon mula sa P880 bilyon, maaring umabot ito sa P88 bilyon na maaaring mapunta sa mas maraming proyekto o makatulong para isara ang deficit.”

“Kung ibababa ng 20% ang unit costs ng DPWH, maaaring makatipid tayo ng P176 bilyon, na makakatulong pa sa aming panukala na ibaba ang VAT mula 12% patungong 10%, na magreresulta sa isang average na karagdagang P7,000 kada taon na disposable income para sa bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa ni Leviste.

Bilang Pangalawang Tagapangulo ng Committee on Appropriations at Committee on Ways and Means, ang dalawang komite ng Kongreso na may responsibilidad sa pambansang budget at buwis, matagal nang ipinaglalaban ni Leviste ang pagbabawas ng magastos na paggastos ng gobyerno upang masuportahan ang pagbawas ng buwis at matugunan ang isyu ng inflation.