NPA

Apat na dating NPA members balik-loob

Bernard Galang Sep 18, 2025
459 Views

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga–Apat na dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang sumuko sa mga awtoridad sa Central Luzon mula Setyembre 13 hanggang 16, ayon sa report.

Sumuko noong Setyembre 16 si alyas “Ka Gelo,” 60, dating miyembro ng Lino Blas Command, sa pinagsanib na yunit ng pulisya sa Orani, Bataan.

Isinuko ng ex-rebel ang isang cal .38 revolver, tatlong bala at isang granada.

Makalipas ang ilang oras, si alyas Ka Jack, 45, dating mandirigma ng Rehiyunal Yunit Gerilya ng Bagong Hukbong Bayan, sumuko sa mga pulis sa Olongapo City at nagsauli ng improvised shotgun at isang 40mm M203 round.

Noong Setyembre 14, sumuko sa Mayantoc, Tarlac si alyas Ka Rose, 34, na konektado sa Komite sa Larangang Gerilya 1 at iba pang underground organizations.

Si alyas Iska, 55, ang unang sumuko. Dati siyang miyembro ng Pambansang Katipunan ng Magsasaka na nagpasaklolo sa Zaragoza, Nueva Ecija noong Setyembre 13. Isinuko niya ang isang .38 revolver na may tatlong bala.

Ayon sa Philippine National Police, resulta ang mga pagsuko ng pinagsanib na operasyon ng pulisya, militar at mga yunit ng intelihensiya sa Bataan, Zambales, Tarlac, at Nueva Ecija.

Pinuri ni Police Regional Office (PRO-3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang naturang pagsuko at sinabing patunay ito ng bisa ng whole-of-nation approach sa paghikayat sa mga dating rebelde na bumalik sa normal na pamumuhay.